^

PSN Opinyon

'Asawa ko? Ikulong na yan!'

- Tony Calvento -

“Good luck sa inyo! Kanya-kanyang karma lang yan!”

Ito ang mensahe ni Jhenny Blanco sa mga lalaking basta na lamang pinapabayaan ang kanilang mga mag-iina.

Dinig na dinig ang tuwa sa tinig ni Jhenny matapos malamang sumuko ang kanyang asawa na si Randel Reich Anthony Blanco nitong ika-11 ng Nobyembre 2011.               

Ilang linggo ding hinanap ni PO3 Marcelino Bunigil ng Baguio Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) itong si Randel.

Ayon kay Chief Inspector Julieto Culili, “Gabi-gabi siyang naghahanap. Hindi tumitigil. Kung saan-saan'yan nag background check. Hanggang sa umabot pa nga siya sa Lepanto Mines. Bundok-bundok na halos doon pero pinuntahan pa din niya.”

Walang nakakita kay Randel mula nang naglabas ng ‘warrant of arrest’ si Judge Raymundo Vallega noong ika-17 ng Oktubre 2011.

Sinabi sa amin ni Jhenny na kahit isang ‘hearing’ ay hindi nagawang sumipot itong si Randel.

Ang lahat ng ito ay dahil sa demanda ni Jhenny sa paglabag niya sa R.A. 9262 (Anti-Violence Against Women and Children).

Sa itinagal ng pagtatago niya, napagod na yata si Randel. Lumabas ito para magbayad ng ‘bail’ sa korte. Inabot ng Php24,000 ang kanyang piyansa.

Sa ngayon ay alam na ng kapulisan ng Baguio kung saan siya pupuntahan. Wala na siyang kawala. Kailangan na niyang harapin ang bunga ng pag-iwas niya sa kanyang responsibilidad.

Nagsimula ang kaguluhan magmula ng maghiwalay ang dalawa noong Abril 2011. Mula sa isang pagtatalo, tuluyang natuldukan ang siyam na buwan ng pagiging mag-asawa nila.

Matapos ipakilala ng isang ‘mutual friend’ sa isa’t isa, nalaman nilang ‘schoolmates’ pala sila noong ‘highschool’. Nauwi sa ligawan na umabot din ng tatlong buwan.     

Pagkatapos malaman na buntis si Jhenny ay nagpakasal ang dalawa noong ika-16 ng Hulyo 2010.

Pareho silang nagtatrabaho sa Maynila. Si Jhenny ay ‘supervisor’ sa Collezione samantalang ‘staff’ naman sa Sun Cellular si Randel.

Noong Nobyembre 2010 nagdesisyong lumipat ang pamilya ng lalaki sa Baguio. Sumama sa mga ito si Randel para hindi mahiwalay sa pamilya. Dinala din niya ang kanyang anak. Maalagaan raw kasi doon ng magulang niya ang bata habang nagtaatrabaho siya.

Naiwan sa Maynila si Jhenny mag-isa dahil sa trabaho. Tiniis niya ang lahat.

Bumibisita na lang si Jhenny kapag nagkakaroon siya ng oras at sobrang pera.

Noong una siyang dumadalaw ay malambing pa sa kanya si Randel. Limang buwan lamang ang nakalipas ay naging malamig na ang pakikitungo nito sa kanya.

“Kapag lumuluwas ako, madalas nag-aaway kami. Pag andun ako lumalabas siya kasama yung barkada niya dun. Kung di naman, doon sila mismo nag-iinuman sa bahay. Sabi ko nga bihira na lang ako dito tapos ganyan pa pagtrato mo sa’kin,” kwento ni Jhenny.

Dagdag pa ni Jhenny, “Sinabihan pa niya ko na gusto na niyang makipag-hiwalay. Siyempre nagulat ako. Pagkatapos nun, nag-away ulit kami. Kinuha ko na yung anak ko, umalis na kami.”

Bago makauwi ang mag-ina, nagkasundo ang mag-asawa na tig-isang buwan sila sa bata. Nagpirmahan pa nga ang dalawa para lamang masigurong masusunod ito.

Dito ay ipinilit ni Randel na hindi siya magpapadala ng sustento hanggat nasa poder ni Jhenny ang anak. Hindi na nakapalag pa si Jhenny sa takot na hindi ipauwi sa kanya ang nagsosolong anak.

Pagbalik ay agad naman niyang ipina-‘blotter’ si Randel para masigurong hindi nito basta-bastang makukuha ang bata sa kanya.

Hihingi lang dapat ng sustento si Jhenny sa pamamagitan ng Facebook. Pag-‘log in’ niya noong ika-4 ng Hunyo 2011 nakita niyang may bago ng ‘girlfriend’ ang dating asawa. 

Lalong nanggigil si Jhenny sa isinagot ni Randel, “Kung di mo kayang buhayin ang anak natin, ibigay mo na lang sa’kin.”

Kung di pa niya ito sinabihan na magdedemanda ay hindi pa ito susunod. Nagpadala man ito ng tulong, mabibilang lang din naman daw ito sa isang kamay.

“Una niyang padala, isang libo lang. Tapos nung humingi ako ng dagdag na tulong, ang pinadala lang ay dalawang kahon ng gatas at isang pack ng diapers. Ano ba naman iyon? Alam kung may sinusuweldo siya. Wala naman siyang responsibilidad dun. Bakit di siya makapagbigay?,” wika ni Jhenny.

Sinubukan man niyang kausapin ng matino si Randel ay wala din siyang napala. Desidido siya. Tuluyan na niyang idinemanda si Randel. Determinado siyang ipaglaban ang karapatan ng anak sa ama nito.

Sa ngayon ay umuusad na ang kaso at sa Caloocan City Family Court gaganapin ang paglilitis. Sumuko na si Randel matapos ilabas ang ‘warrant’. Desisyon ng korte na lang sa ngayon ang hinihintay.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa dami ng mga iresponsableng ama na inirereklamo sa aming tanggapan, ang nangyari kay Randel ay maaring gawing modelo ng mga inang gustong ipaglaban ang karapatan ng kanilang mga inosenteng anak.

Hindi kulang ang ating mga batas na protektahan ang karapatan ng isang asawa at ng kanilang mga anak. Ang kailangan lamang ay ang determinasyon na ipatupad ito sa lahat ng lumalabag sa R.A 9262.

Hindi rin madali para sa isang asawa na makita ang lalaking minahal niya... maposasan at makulong subalit higit na mas matimbang ang ipaglaban niya ang sarili niyang dugo at laman na nanggaling sa kanyang sinapupunan. kung di niya gagawin sino ang gagawa nito? (KINALAP NI TRISHA TIMBOL)

Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.Maari niyo kami i-follow sa twitter sa [email protected].

Binabati namin ang mga taga Marikina Justice City Hall na sina Mr. and Mrs. Felix Anda, Rowena Mateo, Mr. and Mrs. Norberto and Josefina Francisco Mr. and Mrs. Robert and Jo Aggabao, Mr. and Mrs. Levy and Carol de Chavez, and Ms. Rona Jean Damaso.

* * *

Email address: [email protected]

vuukle comment

ANTI-VIOLENCE AGAINST WOMEN AND CHILDREN

JHENNY

LSQUO

NIYA

RANDEL

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with