KAPAG tayo’y nagkakaedad, humihina rin ang ating mata. Tumitigas ang lente ng mata at lumalabo ang ating paningin. Ano ba ang mga bagay-bagay na nakasasama sa ating mata?
Ang mga payong ito ay itinuro sa akin ni Dr. Manuel Agulto, isang tanyag na espesyalista sa mata at doktor ng dating First Lady Imelda Marcos.
1. Umiwas sa nakasisilaw na bagay. Huwag tumitig sa araw at maliwanag na ilaw. Ayon kay Dr. Agulto, ito ang pinakamahalagang payo para hindi masira ang ating mata. Subukan ding diliman ang ating computer screen at telebisyon para hindi tayo masilaw.
2. Huwag magbasa sa dilim. Mahihirapan ang ating mata sa pagbabasa sa madilim. Gumamit ng katamtamang puting ilaw (at hindi dilaw). Huwag idirekta ang liwanag sa mata.
3. Huwag magtrabaho ng mahabang oras sa harap ng computer o TV. Subukan ang payong “20-20-20”. Ano ito? Bawat 20 minutos sa harap ng computer o TV, tumingin sa malayong lugar (mga 20 feet ang layo) ng 20 segundo. Makababawas ito sa pagod ng ating mata.
4. Isang tip: Ang madalas na pagkurap ng mata ay may benepisyo rin para basain ng luha ang ating mata. Masama kasing matuyuan ang cornea (ang harapan ng mata). Minsan, sa sobrang sipag magtrabaho ay nakakalimutan nating kumurap at ipahinga ang mata.
5. Ihinto ang paninigarilyo. Umiwas din sa usok ng ibang naninigarilyo. Napakasama ng paninigarilyo sa mata dahil puwede itong magdulot ng katarata at pagkabulag. Ang katarata ay ang panlalabo ng lente na nangangailangan pa ng operasyon.
6. Umiwas sa maalikabok at maduming lugar. Napa pansin mo ba na kapag nasa mausok o maalikabok kang lugar ay namumula ang iyong mata? Kapag sumakay ka ng jeep o nag-inuman sa bar, hindi ba namumula ang iyong mata? Ito’y dahil nakakairita ang usok at alikabok sa ating mata. Nakasasama po ito sa katagalan.
Para maalagaan ang mata, magpa-check up ng mata bawat 1-2 taon. Maraming sakit sa mata (tulad ng glaucoma) ang walang sintomas. Akala mo ay maayos ang iyong mata pero may diprensiya na pala. Lalo na kung ika’y may diabetes, kailangan mong ipa-check ng maaga ang iyong mata. Nakabubulag ang diabetes. Alagaan natin ang ating mata!