GMA, Mike taumbayan ang haharang

MARIING binatikos ng dalawang impluwensyal na grupo ang Korte Suprema dahil sa pagpapalabas ng TRO sa watch list order na ipinatupad laban sa mag-asawang Pamp. Rep. Gloria at Mike Arroyo.

Kamakalawa ng gabi ay halos mag-riot sa Ninoy Aquino International Airport nang harangin ng mga kagawad ng immigration ang mag-asawa na nagtangkang  lumulan sa eroplanong maghahatid sana sa kanila sa Singapore. Ipinagwawagwagan ng kampong Arroyo ang TRO, bagay na hindi pinahalagahan ng administrasyon.

Nagkaisa ang tinig ng partylist na Akbayan at ang Black and White Movement na kapag nagpumilit ang mag-asawa, people power na ang ihaharang sa kanila.

Matapang itong si Akbayan spokesman Riza Hontiveros na nagsabing ito‘y isang “grand conspiracy” para patakasin ang mag-asawa sa mga asuntong dapat nilang harapin sa bansa. Aniya, kapag nakatalilis sila at hindi na nagbalik para harapin ang mga kaso, pinagkaitan ang taumbayan ng hustisya. Alam na ng lahat ang kasong electoral sabotage at mga kaso ng katiwalian na ipinaparatang sa mag-asawa. Mas maganda sana kung naisampa na sa hukuman ang mga kasong ito para wala nang kuwestyon pigilin man ang kanilang paglisan. Water under the bridge at nangyari na ang hindi dapat mangyari.

Lumikha ng malaking gusot ang pangyayaring ito. Dapat sana, ang Korte Suprema ang pinakahuling arbiter sa mga usaping legal. Pero kung sa tingin ng ehekutibo ay kaduda-duda ang desisyon at ito’y lalabagin, nag-iiwan ito ng napakasamang precedent sa ating justice system. Nagkakaroon ng krisis sa Konstitusyon.

Ito’y isa na namang baptism of fire sa pamahalaang Aquino at manalangin tayong mareresolba ang isyu  na hindi nag-iiwan ng krisis sa relasyon ng dalawang magka­pantay at magkahiwalay na    sa­ngay ng pamahalaan.

Maging sa opinion ng taumbayan ay nag-iwan ito ng pagkakahati. Umaasa lang ako na ang ating mga kababayan ay maru-nong magsuri at nalalaman nang malinaw ang tama sa mali.

Show comments