“Baka magka-tsunami at lamunin na lang kami nang buhay…Wala ng matira sa aming balwarte!”
BAWAL ang nakasalakot, naka-kamisatsinong may dalang malaking balde at pamingwit. Hindi na pwedeng pumasok ang mga mangingisda… mga minero na lang.
Ito ang impormasyong pinarating sa amin ni Eduardo “Ed” Alolor Sr., 75 anyos. Taga Lo-oc, Old Sagay City, Negros Occidental.
Ang dating Dagat Taloñ na malayang pinangingisdaan ng mga residente, sumbong ni Ed sinara na ngayon. Ang tinuturong dahilan ang pagmimina dito ng mga ‘Japanese engineers’.
Malaking makinang tinayo sa baybayin. May malaking tubong humihigop sa mga buhangin. Hinihiwalay ang buhanging itim sa puti.
Ito na ang gumulantang sa mga residente ng Lo-oc, Old Sagay isang araw buwan ng Setyembre taong kasalukuyan.
Sinarado na ang daan papunta sa pampang. Nawalan ng hanapbuhay ang mga simpleng mangingisda habang ang mga may bangka naman kinailangan dumaan sa kabilang baybayin ng Dagat Taloñ.
Ilan lamang ito sa reklamo ni Ed sa amin ng magsadya siya sa aming tanggapan ika-8 ng Nobyembre 2011. Kasama ang kanyang anak na si Eduardo Jr. o “Jun”, 37 anyos. Isang ‘military service man’.
Kwento ni Ed, payak subalit madali ang buhay sa Sitio Lo-oc. Lahat ng tao dun pangingisda ang pinagkakakitaan.
“Kapag wala kaming makain... pupunta lang kami sa baybay. Mamimingwit ng isda…okay na,” ayon kay Ed.
Ganito binuhay ni Ed ang siyam na anak nila ni Milaña. Halos lahat ng yamang dagat na matatagpuan sa Taloñ ang kabuhayan ng mga taga run. Pangingisda… o maging ang pagpulot ng mga shells sa dalampasigan.
Nagbago ang lahat ilang buwan makalipas ipatawag ang buong sitio Lo-oc ni Kapitan Feliza Labaton sa barangay.
Sinabi sa mga residente na magtatayo ng minahan sa dagat Taloñ. Wala umanong paliwanag. Basta pinapirma umano sila sa isang blangkong papel. Katibayan sa kanilang pagsipot.
“Census lang daw yun para sa mga nakatira dun,” kwento ni Ed.
Pumirma ang ilan, ang mga may duda naman ay hindi sumunod.
“Gagamitin na pala nila ang mga pirma namin sa pagpapatayo ng minahan,” kwento ni Ed.
Hindi nagtagal, inilagay na ang higanteng makinang pangmina ng mga buhanging itim na ginagawang panghasa ng kutsilyo. ‘Margaha’ kung tawagin sa bayan ng Negros.
Marami ng patakaran ang pinatutupad. Bawal na ang mangisda sa baybayin. Hindi na rin sila pwedeng pumasok malapit sa minahan.
Ang mga katulad ni Ed na balsa at pamingwit lang ang gamit sa panghuhuli tuluyan ng nawalan ng trabaho.
“Ni maglakad sa buhangin… mamulot ka ng mga kabibe mahigpit ng pinagbawal,” sabi ni Ed.
Maraming mga residente ang umaangal subalit hindi naman makaalma dahil karamihan sa mga lalakeng lampas 20 anyos sumali na sa korporasyon na nagmimina.
“Two hundred fifty pesos ang bayad kada gawa. Sumungab na sa ganitong trabaho ang ilan… wala na silang magawa dahil wala na ang mga isda sa baybaying dagat. Naitaboy na sa ibang lugar dahil sa lalim ng pagmimina. Nasira na natural habitat ng mga isda,” sabi ni Ed.
Ang iba sa kanila nagsumbong sa ‘media’ subalit pati mga mamamahayag ay hindi pinayagang makapasok sa minahan.
Habang tumatagal lumalalim ang hukay ng baybayin. Mas tumitindi rin ang takot ng mga residenteng nakapaligid sa Taloñ sa masamang maaring maging epekto ng pagmimina sa kanilang lugar. Ang ilan sa kanila lumikas na sa Lo-oc. Tulad ni Ed na kasalukuyang nakatira kay Jun.
Kwento ni Ed, tatlong buwan magmula ng gawin ang pagmimina 36 feet na ang lalim ng baybayin. Ito ang dahilan ng pagpunta niya sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Ed.
Bilang tulong inirefer namin si Ed kay Sec. Ramon Paje Department of Environment and Natural Resources (DENR) para kanilang mai-report at tingnan din kung may kaukulang permiso ang ginagawang pagmimina sa baybaying dagat.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nais din naming malaman kung kanino nakakuha ng permit itong korporasyon na ito na magmina sa lugar na iyan. Ipinagbabawal ang ganitong uri ng pagkuha ng buhangin sa baybaying dagat. Dapat dun sila pumunta sa malalim na parte ng dagat at kumuha ng mga batong itim. Ang lugar na iyon ayon kay Ed, ang pangunahing ikinabubuhay ng tao dun ay ang pangingisda. Wala na ang isda at hindi naman lahat ay malakas pa ang pangangatawan at matibay pa ang buto na kayang gawin ang ganitong uri ng trabaho. Ito din ay delikado sa lahat ng mga gustong maligo sa dagat dahil biglang lalim at mahigit sa 30 feet mula sa pampang. Bangin makalagpas lamang ng ilang hakbang ang kanilang haharapin. Dapat ipatigil ito ng mga Local Government Officials sa lugar na yun at ni Sec. Paje sa lalong madaling panahon. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Biyernes. Pwede n’yo din kaming i-follow sa twitter, tocal13@yahoo.com
Nakausap namin si Ms. Maricar Bautista. Ang Asst. Vice President- Corp. Communication ng PAGCOR at malugod niyang ibinabalita ang pamaskong handog nila para sa inyo mula sa PAGCOR.
Sa inyong pagbili ng ‘entertainment show tickets’ o ‘bingo tickets’ sa mga Casino Filipino branches maari kayong manalo ng premyo na umaabot sa dalawa hangang tatlong milyong pisong cash o bagong kotse. Aabot sa P100 milyong piso ang kanilang ipamimigay.
Para sa kumpletong detalye ukol sa ‘The P100 Million Peso Choice: Cash or Car Raffle Promo’, tumawag lamang sa 851-7690 o sa 852-2012 o mag-log-on sa WWW.FACEBOOK.COM/CFWIN100M.
Nais kong personal na pasalamatan si Ms. Maricar sa lahat ng ipinakita niyang suporta sa “CALVENTO FILES” sa PSNGAYON, PM at sa aming programa sa DWIZ at “Hustisya Para Sa Lahat”.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com