MADIPLOMASYA ang desisyon ng Mataas na Hukuman sa hiniling na temporary restraining order (TRO) ng kampo ng mga Arroyo sa watchlist order laban sa dating Pangulo at dating first gentlemen.
Bagamat malaya nang makalalabas ng bansa ang mag-asawa para sa pagpapagamot ng dating Pangulo, may kondisyong ipinataw dito: Magbabayad ng cash bond na P2 milyon at; pagdating nila sa bansang pupuntahan ay kailangang mag-report sila sa embahada at konsulada ng Pilipinas. Tight guarding pa rin.
Ang napapansin natin sa ipinalabas na indefinite TRO ay may pagkakiling pa rin ang Korte sa kasalukuyang gobyerno pero may “puso” para sa dating first couple na may kinakaharap na mga asunto.
Ngunit kaugnay na petisyon ng kampong Arroyo para tuluyang ibasura ang kautusan sa watchlist order, nagtakda pa ng oral argument ang Korte Suprema bago ito tuluyang pagpasyahan. Sa panig naman ng Malacañang, tila hihirit pa ito sa Korte para baliktarin ang desisyon. Mukhang determinado pa rin ang administrasyon na pigilin ang paglabas sa bansa ng mag-asawa na naunang natsismis na nag-apply ng political asylum sa Dominican Republic, bagay na pinabulaanan ng naturang bansa.
Sa botong 8-5 ng Korte Suprema, pinayagan na ang mag-asawang Arroyo na lumabas ng bansa. Yun nga lang, may mga kondisyon silang dapat sundin gaya ng pagbabayad ng cash bonds at pag-report sa mga embahada o konsulada sa mga bansang pupuntahan nila.
Okay na rin iyan. At least kung wala talagang intensyong mag-TNT ang mag-asawa, hindi naman problema na magreport sila tuwina sa mga embahada at konsulada.
Ang mahalaga ay mabigyan ng kinakailangan na medical treatment si Mrs. Arroyo na ayon na rin mismo kay Senate President Juan Ponce Enrile ay mukhang nasa malubhang kalagayan.