Suweldo o komisyon?
SINUSPINDI o kinansela na ng LTFRB ang prangkisa ng ilang kompanya ng bus dahil sa tuloy-tuloy na paglabag sa mga patakaran at batas. Sa madaling salita, mga kolorum na bus at mga bus na laging nasasangkot sa mga aksidente. At ngayon, sinusulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) at DOTC na gawing buwanang suweldo na lang ang mga drayber ng bus, at hindi komisyunan na siyang pinatutupad ngayon. Ito ang dahilan kung bakit maraming bus na barumbado sa kalye. Nag-aagawan ng mga pasahero, at nagmamada-ling makarami ng biyahe para nga mas malaki ang kita sa araw na iyon. Walang pakialam kung maaksidente o maging sanhi ng aksidente, dahil sasaluhin naman ng mga abogado ng mga kumpanya kapag nangyari.
Tutol naman ang mga operator ng bus sa buwanang suwelduhan. Mapipilitan kasi silang magbigay ng minimum wage sa lahat ng kanilang empleyadong drayber. Pati na lahat ng benepisyo ng isang regular na empleyado. Mababawasan ang kanilang kita dahil kahit konti lang ang maibiyahe ng bus, ganun pa rin ang kailangang ibayad sa drayber. Wala nang dahilan magmadali ang mga bus at maging barumbado sa kalsada. Sa komisyunan, maaaring hindi umabot sa minimum ang babayaran sa mga drayber. Hati naman ang opinyon ng mga drayber. May sang-ayon, may ayaw, lalo na yung mga madalas mag-overtime na biyahe. Yung mga madalas nasasangkot sa aksidente! Kaya rin nababangga dahil pagod na, pinipilit pa!
Ito ang mahirap kapag kita lang ang iniisip ng mga kumpanya. Hindi na makikinig sa mga minumungkahing paraan para mabawasan na ang mga aksidente sa EDSA, na madalas ay bus ang sanhi! Ito ang mahirap kapag nauuwi na sa suspensyon at kanselasyon ng prangkisa, na ayaw naman sundan. Ito ang mahirap kapag umaabot na sa demandahan. Kung ganun na nga ang mangyayari, eh di mag-demandahan na, basta’t habang nagaganap ang paglilitis ng kaso, hindi pwedeng bumiyahe ang mga bus nila! Sa ganun, mababawasan na ang mga aksidente sa EDSA. Magpapasko pa naman. Hindi natin kailangang makarinig ng aksidente kung saan may nasaktan, o may namatay, dahil na naman sa rumaragasang bus na nagmamadaling kumita!
- Latest
- Trending