Dalawang kabiguan
Sa tapat ng aming maliit na dampa
Biglang may natayong bahay na magara;
Doo’y nakikita sa tuwing umaga
Matamis na ngiti ng isang dalaga!
Sa tuwing daraan sa tapat ng bahay
Ang magandang mutya laging nakadungaw;
Palibhasa ako ay galing sa linang
Katawan kung hubad pawisang-pawisan!
Kaya parang tukso ang mutyang maganda
Ang sulyap sa aki’y pinaka-nanasa;
At kung nagtatama aming mga mata
Ang pintig ng puso’y tumaas-bumaba!
At mula sa bukid doo’y nagdaraan
Kaya itong mutya laging namamasdan;
At isang araw nga siya ay dinalaw;
Upang ipahayag aking pagmamahal!
Mga magulang n’ya’y masayang tinanggap
Sa tahanang iyon ang aking pag-akyat;
Inakala nilang ako’y magtatapat
Ng aking pag-ibig sa kanilang anak!
At totoo namang ang aking layunin:
Oo nga dalaga’y balak kong sungkitin;
Subali’t ang mutya ay nagtago mandin
At bayaw humarap sa aking pagdating!
Tinawag ng ina itong binibini
Nguni’t ito pala ay pipi at bingi;
Saka nang makita ang ngipin ay sungki –
At saka pilay pa’t lakad ay tabingi!
Ang mga magulang humingi ng tawad
Sa gandang pakita ng kanilang anak;
Hawak pala nito sa bintanang tapat –
Ay mukha ng isang artistang natanyag!
Kaya nanlulumong ako ay nanaog
Sa tahanang iyong gusto kong sumukob;
Ako ay naloko sa aking pag-irog –
Totoong pawis ko’y noon lang umagos!
- Latest
- Trending