Ang ating talino ay isang kayamanan
MAHIRAP makakita ng mabuting asawa ayon sa aklat ng Kawikaan. Higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga. Lubos ang tiwala sa atin ng Panginoon na pawang kabutihan ang ating ginagawa at hindi kasamaan. Ang masipag sa kanyang ginagawa at may takot sa Diyos ay pinagpapala. Kaya sa tuwing dadalo ako sa MEW (Marriage Encounter Weekend) bilang SD (Spiritual Director) ay sinasabi ko sa mag-asawa na ingatan nila ang bawat isa sapagkat sila ay itinalaga ng Diyos.
Kaya sa lahat ng mga organisasyon ng simbahan ang lubos kong nakikitaan na tunay na galamay ng Diyos ay ang mag-asawa. Pinagtitibay nila at pinababanal ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa. Matibay ang kanilang ugnayan sa tatsulok ng buhay at pag-ibig: Ang Diyos, si Mister at si Misis. Ang tatlong ito ay hindi dapat magkahiwalay, sapagkat kung mawawala ang isa ay babagsak ang tatsulok ng kanilang buhay. At sa loob ng tatsulok na ito ay naroroon ang bunga ng kanilang pag-ibig ang anak.
Meron tayong alam na kung minsan ay very active sa kanilang simbahan si Misis, si Mister naman ay abala sa negosyo, inuman o barkada. Kung minsan naman ay si Mister ang aktibo sa simbahan at si Misis ay abala sa kanyang negosyo o nasa ibang bansa. Kadalasan ay madalang nating makita na ang buong pamilya ay sama-samang nagpupuri sa Panginoon. Sa buhay ng mag-asawa ay dapat matupad ang pagkakatiwala ng Diyos na pagyamanin ang pag-ibig sapagka’t ito ang tunay na yaman ng talino sa ibinigay ng Diyos.
Pantay-pantay ang pagka-likha sa atin ng Diyos. Bawat isa sa atin ay may talino sa iba’t ibang uri ng antas sa ating buhay. Pangalagaan nating mabuti ang ating talino. Pagyamanin natin ito at pagbutihin. Huwag na-ting tularan ang talinghaga ni Hesus sa ebanghelyo na ang pinagkatiwalaan ng isang libong dinario (talino) ay natakot ikalakal bilang puhunan kaya hindi ito pinaunlad at pinagyaman.
Pinarusahan siya ng Panginoon: “Ang mayroon ay bibigyan pa at mananagana; ngunit ang wala kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa”.
(Kawikaan 31:10-13; Salmo 127; 1Tesalonica 5:1-6 at Mt 25:14-30)
* * *
Binabati ko ng maliga-yang kaarawan sa araw na ito si Bishop Rudy F. Beltran, D.D. obispo ng Bontoc-Lagawe, Mountain Province.
- Latest
- Trending