Laban ni Pacman
BUKAS na ang umaatikabong bakbakan ni Pambansang Kamao Manny “Pacman” Pacquiao at Juan Manuel Marquez sa MGM Grand Arena, Las Vegas, tiyak na Zero Crime na naman sa ating bansa. Maging sa Mindanao ay tigil putukan ang mga rebelde at sundalo ng pamahalaan upang panoorin ang laban ni Lt. Col. Pacquiao. Sa tuwing may laban kasi si Pacquiao halos walang makikitang tao sa mga lansangan dahil nakatutok ang lahat sa television. Ang ilan pa nga ay nagbabayad ng tumatagingting na P500 sa mga piling sinehan at mamahaling restaurant.
Siyempre nag-uumapaw na naman ang bulsa ng ilang tusong negosyante sa kasikatan ni Paquiao. Ngunit ang ilan naman nating kababayan ay nagtitiyaga sa mala-sardinas at mainit na sport complex na handog ng mga ambisyusong pulitiko. Ganyan ka mahal ng ating mga kababayan si Pacquiao na sa kabila ng kahirapan tinatalikuran muna nila ang kanilang problema at pagkalam ng sikmura. Subalit sa mga tusong pulitiko ito ang tamang paraan para makakuha ng pogi point para maisulong nila ang kanilang ambisyon sa politika. At dahil sa mambabatas din si Pacquiao nais ng ilan nating kababayan na makagawa naman siya ng batas na mahadlangan ang pagmamamnipula sa mga tanyag na palabas katulad ng kanyang laban.
Subalit ngayon na tanyag na at moderno na ang ating communication ay naduduhapang pa ng mga tusong negosyante ang prestihiyosong palabas. Ngunit marami pa rin ang matiyaga sa ating mga kababayan ang sumusubaybay sa mga television na ubod ng dami ng advertisement dahil hindi nila kayang magbayad ng P500. Ang masakit maraming panukalang batas na naman ang mabibinbin dahil karamihan sa ating mga mambabatas ay nasa Las Vegas para panoorin ang laban ni Pacquiao. Lugmok na naman tayo dahil ang kanilang pamasahe at pang-shopping ay galing sa kaban ng ating bayan kasama na rito ang kanilang ipinusta. Kayat manalangin tayo sa ikapapanalo ni Pacquiao dahil nakasalalay rito ang ating kinabukasan.
Subalit habang abala kayo sa kapanood ng palitan ng suntok nina Pacquiao at Marquez abay, abala naman pala itong si PNP chief Dir Gen. Nicanor Bartolome sa pagharibas ng kanyang kamay na bakal. Nais kasi ni Bartolome na makahuli ng may 200 wanted person ang mga pulis sa loob lamang ng isang buwan. Sa tingin ko ito ang tamang hakbang para mahadlangan ang patuloy na pananakay ng mga riding-in-tandem at iba’t ibang uri ng kriminal sa ating kapaligiran. Kung sa bagay ipinamalas na ito ng ilan nating kapulisan noong Miyerkules ng madaling-araw na kung saan apat na highjackers ang napatay sa San Pedro, Laguna at tatlong holdaper ang napatay sa McArthur Highway sa San Fernando, Pampanga. Kabilang na riyan ang pagkamatay ng dalawang kilabot na holdaper sa Quezon Boulevard Under Pass, Manila. Abangan ang bangis ni Bartolome.
- Latest
- Trending