Ang dakila at tapat na asawa
ANG kasong ito ay tungkol kay Naty at Jorge na ikinasal 30 taon na ang nakararaan. Si Naty ay nanggaling sa isang mayamang pamilya samantalang katamtaman naman ang pamilyang pinanggalingan ni Jorge. Nang magpakasal sila, dinala ni Naty ang sangkatutak na ari-arian na minana niya mula sa kanyang mga magulang. Habang kasal sila, hinayaan ni Naty na si Jorge na ang mamahala sa kanyang mga ari-arian. Mula sa tubo ng mga ari-arian ni Naty ay nakabili pa ng ibang ari-arian ang mag-asawa. Umakyat na sa ulo ni Jorge ang pagiging biglaang mayaman o noveau riche. Natagpuan niya ang sarili na may limpak-limpak na pera, kayamanan at hawak ang buong pagtitiwala at katapatan ng asawa. Hindi nakayanan ni Jorge ang lahat. Natagpuan niya ang sarili na lulong sa mga luho ng isang mayaman. Inabandona niya si Naty matapos ang mahigit 38 taon ng pagsasama.
Nang bumalik siya sa asawa matapos ang anim na taon, muli pa rin siyang tinanggap ng dakila at tapat niyang asawa. Ibinigay pa rin sa kanya ni Naty ang pamamahala sa kanyang mga ari-arian. Matapos ang tatlong taon, siningil na rin ang katawan ni Jorge ng lahat ng kanyang pinaggagagawa. Nagkasakit siya at namatay. Nag-iwan siya ng isang testament kung saan ang abogado niya imbes na si Naty ang ginawa niyang tagapamahala sa kanyang mga naiwan. Natural na magagalit si Naty. Kinalaban niya ang pamamahala ng abogado. Ayon sa kanya, siya ang mas may karapatan na pamahalaan ang mga ari-arian na iniwan ng namayapang asawa. Ayon naman sa abogado, siya ang mas may karapatan na pamahalaan ang naiwan o estate ni Jorge. Mas kaya raw niya itong pangalagaan lalo at bibigyang konsiderasyon ang edad ni Naty. Sa kanilang dalawa, sino ba talaga ang mas may karapatan na mamahala sa estate ni Jorge, ang asawa o ang abogado niya?
Ayon sa korte, hindi makatarungan na tanggalin kay Naty ang pamamahala sa naiwang ari-arian ng asawa dahil kung tutuusin, kalahati ng iniwan ni Jorge ay pag-aari niya o “conjugal properties”, at may karapatan pa rin siya bilang isang “compulsory heir”. Upang mabigyan ng hustisya at maging patas o pantay sa lahat, dapat na lahat ng panig na sangkot sa naiwang estate ni Jorge ay bigyan ng karapatan na pamahalaan ito. Parehong bibigyan ng karapatan sina Naty at ang abogado ni Jorge bilang “co-special administrator”. Inaasahan na pareho silang magtatrabaho para sa ikabubuti ng estate hanggang hindi pa ito naipapamahagi sa mga tagapagmana. Maaaring gamitin ni Naty ang naging desisyon sa kasong Matias vs. Gonzales, 101 Phil. 853 at Dayrit vs. Ramolite, 117 SCRA 608.
- Latest
- Trending