Gloria dapat kinasuhan muna
TAMA ang sinasabi ng mga legal experts. Walang may karapatan para pigilin ang pangingibang bansa ng sino mang Pilipino kundi ang Hukuman.
Kontrobersyal ang watch list order na inihaharang ngayon kay dating Presidente at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Arroyo na gustong magpagamot sa ibang bansa. Ito ay dahil sa kasong pandaraya sa eleksyon, isang asuntong hangga ngayon ay hindi pa naisasampa sa Hukuman.
Kung magkagayon, wala pang pormal na asunto laban kay Arroyo at hindi ubrang hadlangan nino man ang kanyang pag-alis.
Walang poder ang Department of Justice na base lamang sa iniimbistigahang kaso laban kay Arroyo ay maaari nang pigilin ang kanyang paglisan.
Sang-ayon ako na ang ganyang kalaking kasong ipinaparatang sa dating Pangulo ay isang bagay na nakasalalay ang interes ng bansa. Ngunit nasaan ang asunto? Noong panahon ni Mrs. Arroyo bilang Pangulo, nagamit nila ang direktibang likha ng noo’y DOJ Chief Agra. Napigilan ang pag-alis ng ilang personalidad.
Ngunit kung sadyang nananangan sa katuwiran ang administrasyon ni P-Noy, dapat bang ipairal ang ganitong lisyang direktiba? Nasa demokrasya tayo. Hindi sana magiging malaking isyu ang paghadlang sa paglisan ni Arroyo kung antimano’y kinasuhan na siya.
At kung may nakasampang kaso sa Hukuman, husgado na mismo ang mag-iisyu ng Hold Departure Order.
Sinasabi ko ito sa pagmamalasakit sa administrasyon na nagmumukhang kontrabida sa labanang ito. Nagmumukhang “underdog” si Mrs. Arroyo at alam naman natin na ang “underdog” ay nakakahatak ng simpatiya ng samba-yanan.
Ngayon’y inaaba-ngan ang desisyon ng Mataas na Hukuman kung hahadlangan ang watch list order laban kay Mrs. Arroyo.
Paano kung pumayag ang Korte at nakaalis siya? Eh di lalung sasakit ang ulo ng gobyerno kapag nag-apply na para sa political asylum ang dating Pangulo.
- Latest
- Trending