Armageddon?
May naganap pala noong Martes, na kung sakaling napasama ay pwedeng maging simula na ng katapusan ng mundo. Nabasa ko na noong Martes, may isang asteroid na kasinlaki ng isang malaking barkong pandigmaan o aircraft carrier ang dumaan malapit sa mundo. Yung malapit na iyon ay higit 300,000 kilometro ang layo, kaya wala naman talagang peligro sa mundo. Pero para sa mga nagbabantay ng mga ganitong klaseng bagay na dumadaan malapit sa mundo, malapit na malapit rin iyon. Wala namang indikasyon na magbabago ang dadaanan, kaya wala namang mga linabas na peligro para sa mamamayan. Naiisip ko tuloy ang mga pelikulang “Deep Impact” at “Armageddon”!
Ayon sa NASA, hindi pa rin tatama ang nasabing aste-roid sa darating na siglo, kaya sa ngayon ligtas pa rin ang mundo sa mga peligro ng mga sitwasyong isinapelikula ng Hollywood. Ayon din sa NASA, libo-libong mga bagay ang tumatawid sa dinadaanan ng mundo, pero wala pa ring direktang tatama. Ito ay para sa mga bagay na alam at binabantayan na ng NASA. Pero paano yung mga hindi pa alam ng NASA at hindi pa napapag-aralan kung tatama nga sa mundo?
Iba-iba rin ang mga opinyong nakakalap ko kapag katapusan na ng mundo ang pinag-uusapan. May mga iba, lalo na yung mga may mabibigat na problema, gusto maganap na. Para siguro matapos na lang ang lahat. Meron naman, nagsasabing huwag na muna dahil marami pang hindi nakukuha o nagagawa sa buhay. Depende na rin talaga sa kasalukuyang estado ng buhay. Maraming problema, sige na. Maganda ang buhay, huwag na muna. Nasa Diyos na rin naman kung ano ang gugustuhing gawin sa mundo.
Pasalamat na rin tayo at wala pang mga bato o bagay na magtatapos na sa mundo. Kung sakaling meron, mabuti sana kung mawawala na lang lahat ng buhay sa mundo kaagad, eh hindi naman. Kung ikaw yung suwerte, o malas, na makaligtas sa pag tama ng bagay na iyon, haharapin mo pa ang kahirapan at peligro na magiging resulta ng kaguluhang magaganap. Wala nang batas, wala nang otoridad, wala na lahat. Kanya-kanya na.
Ang dati mong kaibigan ay magiging kaaway o na rin, para lang makaligtas mula sa gutom at panganib. Siguro mas maganda nang salubungin kung saan tatama ang bato o bagay, para tapos na!
Pero huwag muna ha?
- Latest
- Trending