Kayang gawin sa Pilipinas
NAGSALITA na ang Philippine Medical Association(PMA) sa hamon ni Elena Bautista-Horn kay Dr. Enrique Ona na magsabi kung may doktor sa Pilipinas na may kakayahang gumawa at magsuri ng bone biopsy sa kanyang amo na si dating President Gloria Macapagal Arroyo. Hinamon ni Horn si Ona nang magbigay ng pasya na maayos naman ang kundisyon ng dating presidente at walang peligro sa buhay kung hindi man magawa ang hinihinging eksaminasyon. Sa madaling salita, hindi niya kailangang umalis ng Pilipinas kung iyon lang ang gustong gawin.
Dagdag pa ni Dr. Leo Olarte ng PMA, maraming doktor ang may kakayahan, at maraming ospital sa Pilipinas ang kayang gumawa ng bone scan, na mas madali pang gawin kaysa sa isang bone biopsy. Sa biopsy, isang minor na operasyon ang dapat gawin para makakuha ng sampol ng buto. Sa bone scan, wala nang kailangan na sampol kaya hindi pa mahirap gawin. Parang sinasabi na mas mahirap at mas masakit pa ang gustong proseso ng kampo ni Arroyo, kaysa sa bone scan na walang sakit. Kaya tila nakakainsulto naman ang pahayag ni Horn sa mga doktor sa bansa.
Pero karapatan nga ng bawat pasyente ang humingi ng pangalawang opinyon, kahit saan pa niya gusto. Sa katunayan, karapatan ng bawat pasyente na gawin ito, para lang masiguro ang mga gagawing proseso o operasyon sa kanyang karamdaman. Aminado rin ang PMA na ganun nga. Pero hindi ordinaryong mamamayan kasi ang dating presidente. May kaso ng electoral fraud ang nakahanda nang isampa sa dating presidente. Isa itong mabigat na krimen. Kaya hindi matanggal sa isip ng kasalukuyang administrasyon na kaya lang gustong makaalis ay para maiwasan o takbuhan ang mga kaso laban sa kanya. Hindi talaga malayong isipin, lalo na’t nakita ang mga bansang planong bisitahin. Hindi na rin masyadong binibigyan ng halaga ang pangako ni Arroyo na siya’y babalik, dahil na-ngako na rin ito noon na hindi rin sinusunod.
Siguro hindi na dapat dito nagiging mainit ang isyu. Wala na sigurong dapat kinalaman ang kakayahan ng mga doktor sa Pilipinas dahil nagsalita na rin ang PMA. Hindi na dapat nagsasalita si Horn gamit ang panga-ngatwiran na ganito. Kayang gawin sa bansa ang eksaminasyon na may kinalaman sa kundisyon ni Arroyo. Kung tututol pa rin si Horn, siya na dapat ang magpakita ng diploma na nagtapos siya ng medisina.
- Latest
- Trending