SABI ng isa kong kaibigan, mabuti pa ang Pilipinas, kahit papano, nakakabangon. Ito ang kanyang naging opinyon nang pag-usapan namin ang nagaganap sa Greece, kung saan mauubusan na ng pera ang gobyerno, kaya isang matinding krisis ang bumabanta sa nasabing bansa. Handa na ngang bumitiw ang kasalukuyang pinuno ng Greece, dahil sa nagaganap na krisis. Nagkakandarapa rin nga ang ilang bansa sa European Union kung anong klaseng tulong ang ibibigay sa Greece para hindi tuluyang lumubog ang ekonomiya. Pero kapag may nakausap ka namang taga-Greece, ang sasabihin naman ay gobyerno lang naman ang walang pera, pero ang tao meron!
Kung ganito nga ang sinasabi ng ordinaryong mamamayan sa Greece, eh di lumalabas na hindi tama o kulang ang mga binabayad na buwis ng tao sa gobyerno, o napakatindi ng korapsyon! Marami naman palang pera ang tao, bakit hindi sila mismo ang tumulong para hindi lumubog ang kanilang bansa? Ganito rin ang sinasabi ng ilang mga mamamayan ng ibang bansa sa Europe. Bakit natin tutulungan ang Greece kung kaya naman nilang bumangon?
Ito rin talaga ang mahirap sa isang mayaman na bansa na nasanay sa magandang buhay. Kapag tinatamaan na ng krisis, hindi na alam ang gagawin at nagkakanya-kanya. Tayo sa Pilipinas, sanay sa krisis. May mga nagsasabi nga na dapat matagal na tayong hindi third world na bansa kung hindi lang ninanakaw ang lahat ng pera ng gobyerno sa mga nakaraang administrasyon. Ang problema naman daw ngayon, walang ginagastos masyado ang gobyerno dahil sa paghahabol sa mga kasalanan ng mga nakaraang administrasyon, kaya wala ring natutulong masyado sa ekonomiya. Siguro sa mga darating na taon ay magbabago na ito kapag nahuli o nakasuhan na lahat ng mga tiwali ng mga nakaraang gobyerno.
Pasalamat tayo at hindi tayo tinatamaan ng krisis katulad ng nagaganap sa Greece ngayon. Pasalamat tayo at hindi tayo nasanay sa masarap na buhay na wala nang iniintindi, at pinababayaan na lang ang gobyernong lutasin ang lahat ng problema. Ganito ang naganap sa Greece. Gumanda nang husto ang buhay hanggang sa naging kampante na masyado ang mga mamamayan. Ngayon, sila na ang pinoproblema nang husto, at tila walang gustong talagang tumulong sa nasabing bansa. Parang sinisisi pa sila sa kinalalagayan nila ngayon. Kapag tuluyang bumagsak iyan, sigurado apektado rin tayo kahit papano!