^

PSN Opinyon

'Mga Ama sa Kama'

- Tony Calvento -

LIMANG BABAE, iisang hinanakit. Limang istorya, iisa ang takbo ng buhay. Limang magkakaibang anyo pero iisa lamang ang mukha.

Ang mga kwento nila ay naitampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo sa DWIZ 882khz ang Hustisya Para Sa Lahat. Aming napagpasyahan na sabay-sabay itong ibahagi sa inyo.

Simulan natin sa istorya na tumagal din ng mahigit isang dekada.

Taong 2001 nagpakasal sila Mary Grace Catubay, 33 taong gulang, at Jerick Catubay, 34 taong gulang.

Napagdesisyunan nila na sa Pandacan na muna uuwi si Jerick dahil sa layo ng pinagtatrabahuhan nito.

Nawala na lamang ito sa isang iglap matapos ng isang buwan. Taong 2004 na uli ito nagparamdam. “Sa Laguna lang ako. Nagtatrabaho para sa inyo,” sabi daw ni Jerick. Nagpakita ito matapos ang ilang araw.

Naglaho din ito kaagad kinabukasan. Kailan lamang niya nalaman na may iba nang pamilya ang mister. Taong 2002 ikinasal itong muli sa isang babaeng nakilala sa pangalang Ana Carmelo. May tatlong anak na pala si Jerick dito.

Simula noong 2007 pa pala ito nagtrabaho sa Dammam pero ni singko ay wala itong naipadala sa anak nila.

Pareho ang hinaing ni Jhenny Blanco, 30 taong gulang, ukol sa asawa niyang si Randel Anthony Blanco, 27 taong gulang.

Trabaho ang dahilan kung bakit nasa Maynila si Jhenny at nasa Baguio ang mag-ama niya. Limang buwan pa lamang sila nagkakalayo nito ay gusto na siyang hiwalayan. Matapos ng mahabang usapan ay nagkaroon sila ng kasunduan ukol sa bata.

Agad niyang pina-‘blotter’ ang mister sa Maynila upang masigurong hindi basta-bastang makukuha sa kanya ang bata.

Noong June 4, 2011 nakita sa Facebook ni Jhenny na may bagong ka-relasyon na si Randel. Agad siyang humingi ng sustento.

Nanggigil si Jhenny sa isinagot ni Randel. Kung hindi naman daw niya kayang buhayin ang bata ay isoli na lang sa kanya ito.

Kinailangan pa niyang sabihan na idedemanda ito para lang sumunod. Tatlong beses lamang nagpadala si Randel.

“Dalawang lata ng gatas at isang pack ng diaper lang ang ipinadala niya nung humingi ako ng tulong,” wika ni Jhenny.

Maayos na usapan lamang ang nais niya mula sa asawa. Isang kasiguraduhan na may kinabukasan ang kanilang anak.

Si Elsa Alba ay lumapit sa amin nitong Setyembre 2011 lamang. Limang taon ding nakipagsapalaran sa Middle East ang kanyang asawa na si Romeo Alba, Sr. bago muling nakauwi. Ayaw na niya itong payagan pang bumalik pero nagpumilit pa rin itong lumipad.

“Hindi naman kasi sapat ang pinapadala niyang sampung libo. Sa mga gastos pa lang ng mga anak namin sa eskuwelahan kulang na kulang na,” sabi ni Elsa.

Matapos daw magpadala ng pera si Romeo noong 2006 ay may tumawag na babae sa kanya. “Mga p#+@7& i%6 niyo. Hingi kayo nang hingi ng pera sa asawa ko,” nanggagalai­ting sinabi nito.

Nakilala niya ito bilang Maritess Fortuna.

Ang sagot lamang ng asawa ng kausapin ni Elsa ay “Kahit uugud-ugod na ko dito, sa iyo pa din ang kabaong ko.”

Wala na siyang magawa dahil nasa ibang bansa ang asawa. Tila nalimutan na rin ni Romeo na mayroon siyang naiwang pamilya sa Pilipinas.

Reklamo naman ng sumunod na ‘complainant’ na si Victoria Gallego ay ang asawang nahuli niya na may ibang babae.

“Halos kasing edad lang ng panganay ko ang babae ng mister ko,” sabi ni Victoria.

Nahiwalay siya kay Richard Gallego matapos ng apat na taong pagsasama. Nagkasundo daw sila na magbibigay na lamang ng sustento at sasama na lang sa kanyang kinakasama.

Hindi pinanindigan ni Richard ang usapan. Pumunta ng opisina ni Richard si Riavic, ang panganay niyang anak para makiusap pero wala pa ring nangyari.

Napilitang komprontahin ni Victoria si Elias Delos Reyes, may-ari ng agency na pinasukan ni Richard. Ayaw daw magbigay ng kahit anong impormasyon nito.

Sa ngayon ay naglabas na ng ‘warrant of arrest’ para kay Richard sa paglabag nito sa R.A. 9262 o Anti- Violence Against Women and Children.

Ganito rin ang nais ni Angelica Jabson ang suportahan ang kanyang 9 na taong gulang na anak. Ang lalaking si Richard Marayag ang ama daw ng kanyang anak.

Tinakbuhan daw siya ni Richard matapos siyang mabuntis.Nagulat na lamang si Angelica ng malamang pamilyadong tao na pala ito at may tatlo nang anak.

Humingi daw ito ng tawad sa kanya. Nagpakita ng malasakit sa bata si Richard. “Akala ko totoo yun pala gusto lang niyang makahiram ng dalawampung libong piso sa akin,” pahayag ni Angelica.

Sa ngayon ay wala nang balita si Angelica kay Richard. Gusto niyang mapagbayaran nito ang panlolokong ginawa umano sa kanya.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang pinagsama-samang limang istorya ngayong araw na ito ay bahagi lamang ng isang mas malaking larawan na umaanay sa sagradong sakramento ng kasal. Araw-araw hindi maubos ang tao na nagpupunta sa aming tanggapan na ang inirereklamo ay ang mga lalaking basta na lamang tinalikuran sila. Habulan para pasagutin sila sa mga responsibiliad sa kanilang mga anak. Paiyakan para maulanan ng grasya ang kanilang mga kadugo mula sa mga walang kakwenta-kwentang tatay.

Sa aming pananaw, panahon na para ang ating mga mambabatas na amiyendahan ang batas at paigtingin ang parusa para sa ganitong uri ng lalaki, sa mga amang magaling lamang sa kama. (KINALAP NI TRISHA TIMBOL)

Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: [email protected]

ANAK

DAW

JHENNY

LAMANG

LIMANG

PARA

RICHARD

TAONG

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with