Terror test
DALAWANG tulog na lang at ang 6,210 graduates ng Law Schools sa buong bansa ay makikipagsapalaran sa pinakamalaking pagsubok ng kanilang buhay. Kalahati lang ng biyahe ang torture na dinaanan upang makuha ang kanilang Bachelor of Laws o Juris Doctor Degrees. Upang marating ang paroroonan, kailangan pa munang paslangin ang mithing halimaw – ang Bar Exams.
Balitang balita ang kaibahan ng 2011 edition ng Bar Exams sa nakaraang mga 20 years na batch. Una’y sa apat na Sunday ng Nobyembre gaganapin sa halip na Setyembre. Pabor ito sa mga kukuha dahil (a) iwas ulan at baha (muntikan na sana nilang makasabayan sina “Pedring” at “Quiel”); at (b) nadagdagan ng dalawang buwan ang panahong mag-review. Pangalawa, sa unang pagkakataon ay gagamit na rin ang Supreme Court ng MCQ o “multiple choice question” format imbes na puro Essay questions lamang. Pabor din ito sa mga kukuha. Mas bibilis ang pag-check ng exam at paglabas ng resulta. Pangatlo’y mahigit nang ipagbabawal ang mala-karnabal na pag-iingay at kasiyahan sa paghatid at salubong ng mga examinee. Matagal nang pinupuntirya itong tradisyon ng Bar Exams dahil wala naman daw naitutulong sa mga examinee at bagkus ay nakakadagdag pa sa tensyon ng mga nagkakainitang grupo. Ang pagtitipun-tipon nga naman ng daan-daang tao sa isang ipit at masikip na lugar ay bangungot ng seguridad. Last year lang nang isakripisyo nina Raissa Laurel ang kanilang kalusugan sa pagpasabog ng granada sa De La Salle Taft Avenue.
Kahit pa maraming pagbabago sa 2011 Bar Exams,
hindi pa rin naiba ang pinaka-mahalagang bahagi ng pagsubok. Ito ay ang coverage ng Exam.
Buong curriculum na pinag-aralan sa 4 or 5 years sa law school ang pagkukunan ng mga tanong na kailanga’y 75% ang masagot ng tama.
Ito pa rin ang pinakamabigat at nakapangingilabot sa lahat ng licensure exams. Tunay na terror test – bagay sa Nobyembre!
May alam ba kayong ibang exam na nasa 20% lang ang national passing average?
Sa lahat ng magsisikuha ng Bar Exams at sa inyong mga pamilya, kaibigan at paaralan, Congratulations and Good Luck!
- Latest
- Trending