Kulang sa kaalaman
NALAGAY sa masalimuot na sitwasyon ang pamilya Revilla dahil sa P500,000 reward. Mukhang nasilaw sa datung o umiiwas lamang sa pagkakadawit sa krimen ang witness ng Parañaque police kaya ang pinuntirya ay mga kapatid rin mimo ng pinatay. Ito ang lumalabas ngayon matapos sabihin ni Ruel Puzon na binayaran umano ng P200,000 sina Michael Jay Altea at Roy Francisco “Kiko” Tolisoro ni Ramon Joseph Bautista para patayin si Ramgen. Ipinapatay umano si Ramgen ng kapatid dahil sa pagiging barumbado nito sa mga magulang at pananakit sa mga anak. At dagdag pa rito ang sustentong P1 milyon sa magkakapatid, na si Ramgen umano ang humahawak. Mukhang duda naman si Sen. Bong Revilla, half brother ni Ramgen kaya nais niyang magsagawa ng sariling imbestigasyon.
Tama lamang na magduda ang senator dahil kilala ang kanilang angkan na nagtutulungan. Nagmamadali kaya si Sr. Supt. Billy Beltran, Parañaque police chief at Chief Insp. Enrique Sy, chief Investigator, na maisara ang kaso para mapagtakpan ang kanilang kapalpakan?
Nangyari ang kaso noong gabi ng October 28, mismong araw na inatas ni PNP chief Gen. Nicanor Barlome ang pagpapatrulya ng mga pulis sa buong bansa. At dahil tutulog-tulog ang mga pulis sa Parañaque, nalusutan sila ng mga kriminal. Ewan ko kung papasa ang mabilis na pagresolba sa kaso ni Ramgen sa panlasa ni NCRPO chief Director Alan Purisima. Tagubilin ni Purisima sa lahat ng district director sa Metro Manila ang pagpapatrulya ng mga pulis sa kalye at sementeryo sa paggunita ng Undas, pero may nakalusot pa rin kina Beltran. Bahala na sina Bartolome at Purisima kay Beltran. Naisampa na sa piskalya ang kaso ni Revilla.
Nakadidismaya ang kawalang disiplina ng mga pulis sa San Pedro, Laguna. Pinatay si Ricky Pempengco, ama ng international singer na si Charice noong gabi ng October 31 sa Bgy. Laram. Halos itago ng mga pulis ang krimen matapos pagsalikupan ang bangkay ni Ricky na naka timbuwang sa kanal. Sinunod namin ang tamang protocol sa pagkober ng krimen subalit ang mga pulis-San Pedro ay walang alam sa tamang proseso ng imbestigasyon. Tama lamang na ang Scene of the Crime Operatives at Crime Investigator ang nasa loob ng police line upang mapreserba ang mga ebidensiya subalit ang nakasasama ng loob ay itong mga pulis na labas masok para takpan ang mga camera ng television at photojournalist na nagco-cover sa krimen.
Laguna police chief Sr. Supt. Gilbert Cruz, hambalusin mo ang mga walang modong pulis ng San Pedro dahil sa tingin ko, kulang sila sa kaalaman sa pag-iingat ng mga ebidensiya.
Dapat din nilang hinabol agad ng gabing iyon ang suspek na si Angel Capili.
Abangan!
- Latest
- Trending