(Huling bahagi)
Isang hindi kilalang ‘caller’ ang nag-report sa himpilan ng Philippine National Police, Cavite City. Isang lalakeng maitim na naka ‘ball cap’, naka-fatigue na pang-ibaba at kulay puti at itim ang pang-itaas ang namataang palakad-lakad sa pilahan ng ‘tricycle’ sa Brgy. 36 Purok Caridad. May dala itong baril. Kinilala ang lalake na si “Jokim”, ‘tricycle’ drayber ng Calumpang.
NUNG LUNES isinulat ko ang malagim na pagpatay kay Jokim o Joaquim Martin. Nagsampa ng kasong Murder sa Prosecutor’s Office ng Cavite ang ina ni Jokim na si Herminia “Minia” Martin laban sa mga Pulis-Cavite City na nasangkot sa kaso. Kinilala ang pulis na sina PO2 Sonny Boy Monzon, PO2 Ronald Nabos, PO2 Marbert Sto. Domingo, PO2 Froilan Crisostomo, PO1 Edgie Protacio, PO1 Ryjan De Guzman at isang sibilyan umano na si “Edwin”.
Pinabulaanan ng mga pulis ang reklamo sa kanila. Base sa Kontra-Salaysay na ibinigay ni PO2 Ronaldo Martinez Nabos, ika-18 ng Marso 2011 bandang 10:30 ng gabi habang siya ay duty sa presinto, nakatanggap ng tawag mula sa telepono ang kanilang Duty Desk Officer na si PO1 Tibayan. Isang armadong lalake daw ang gumagala sa pilahan ng tricycle sa nasabing lugar.
Matapos matanggap ang ‘report’, sa utos ng hepe na si P/Supt Rommel Laconsay Javier, si PO2 Nabos kasama ang ilang pang miyembro ng kapulisan ng Cavite City, Intelligence Section na sina PO2 Monzon, PO2 Sto. Domingo, PO2 Crisostomo, PO1 De Guzman at PO1 Protacio bineripika nila ang nasabing ulat upang agad na maaresto ang suspek.
Angkas ng pribadong motor ni PO1 Protacio pagdating nila sa Bagong Purok napansin niya sa kanyang gawing kanan ang isang lalaking nakatungo at nakaupo sa may bangko sa tapat ng isang saradong tindahan.
Ang deskripsyon ng lalake ay tumutugma sa ine-report sa kanila. Nilapitan niya ito at nagpakilala silang mga pulis Cavite City. Pinaalam nilang may nagrereklamo kay Jokim.
Nanatiling nakatungo si Jokim. Pinakiusapan siya ng pulis na tumindig at itaas ang kanyang damit para makita kung meron siyang nakasukbit na baril.
Tumayo si Jokim, inangat nito ang damit sabay bunot ng baril gamit ang kanyang kanang kamay. Tinutok daw ito kay PO2 Nabos. Nakailag naman ang pulis at mabilis na tumakbo palayo. Nakarinig na lang daw siya ng sunud-sunod na putok ng baril kaya’t agad siyang nagkubli sa likuran ng nakaparadang tricycle. Mula doon agad binunot ni PO2 Nabos ang kanyang baril upang pigilan umano ang biyolenteng reaksyon ng lalake. Habang nakasilip sa tricycle nakita raw ni PO2 Nabos na habang nakahiga si Jokim inangat pa nito ang kanyang kamay na may hawak na baril, itinutok at ipinutok sa direksyon ni PO1 Protacio kaya’t gumanti ang pulis ng putok. Tuluyan ng napahiga si Jokim.
Lumapit naman si PO2 Sto. Domingo at bahagyang inilayo ang baril na nasa kamay ni Jokim gamit ang kanyang paa.
Wala daw katotohanang ang sinasabi ng testigong si Greymar Nodado na inilagay nila PO2 Monzon at PO2 Protacio ang baril sa kamay ng biktima at saka pinutok pataas. Itinanggi rin niyang nilapitan ni PO2 Protacio si Jokim at ilang beses na binaril sa ulo. Wala daw silang kasamang Edwin na isang sibilyan. Kaya’t imposible raw na bumunot ng baril ang nasabing lalake at binaril si Jokim.
Sinuportahan naman ni PO1 Protacio ang salaysay ni PO2 Nabos. Aminado siyang nagpapaputok siya gamit ang kanyang pribadong baril na cal. 45 Llama Pistol ng mauna ng magpaputok si Jokim.
Nang mapahiga si Jokim ay tinangka pa umano nitong mamaril kaya’t agad niyang kinuha ang kanyang ‘back-up’ na baril na 9mm Tanfoglio Pistol at muling pinutukan si Jokim.
Nang isugod nila sa Bautista Hospital si Jokim dun lang umano nila ito nakilala. Minsan na umanong itong naakusahan sa kanilang istasyon sa paglabag sa R.A 8294 (Illegal Possession of Firearm) at Robbery with Homicide.
Kasalukuyang dinidinig ang kasong sinampa ni Mania laban sa mga pulis. Gusto daw ilipat sa Ombudsman ang kaso kaya’t nagsadya si Mania sa amin.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Mania.
Bilang tulong nirefer namin si Mania kay Prov. Prosec. Emmanuel Velasco ng Prosecutor’s Office, Cavite para sa kanyang kaso.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kay Mania na maari niyang ituloy ang criminal case na kanyang sinampa laban sa mga pulis. Pwede siyang magsampa ng kasong administratibo sa National Police Commission (NAPOLCOM). Hilinging tanggalin sa serbisyo ang mga pulis na ito.
Maari din siya magpunta sa Commission on Human Rights kay Chairman Etta Rosales para maimbestigahan kung may nilabag ba na procedure sa ‘rules of engagement’ sa pagkakapatay kay Jokim sa dami ng tama ng bala na tinamo nito.
Sa katanungan ni Mania kung dapat bang ilipat ang kaso sa Ombudsman dahil pulis ang mga nirereklamo. Ang Department of Justice ay meron din kapangyarihan kagaya ng Ombudsman na mag-imbestiga ng kaso kung saan sangkot ang mga public officials o mga pulis. Kung may basehan para ito’y ipasa sa Korte maari nilang i-forward ang kaso sa Sandiganbayan.
Maraming anggulo ang pumapasok sa aming isipan kung bakit pinatay itong si Jokim gayung pwede naman siyang masakote at mahuli ng buhay. Pakawala ba siya ng mga pulis at wala na siyang silbi? O may nasunog ba itong pera na hindi inintrega sa kanila? Ito’y simpleng kaso ba ng ‘rub-out’ o salvage at buong tapang isinagawa ito sa isang mataong lugar na para bang sinasabi na, “Kami ang matapang walang pwedeng kumibo”? Mas lalong pinalakas ang teyoryang ito ng barilin ang pangunahing testigong si Michaela sa bibig para wala ng magdiin.
Hindi ko lubos maiisip kung bakit lalaban si Jokim sa anim na tao na armado ng mga matataas na kalibre ng baril gayung nag-iisa siya at ang dala niyang baril (kung meron nga) ay isang paltik.
Maaring si Jokim ay kabilang sa mga elemento ng lipunan na tinaguriang ‘walang karapatang mabuhay’ dahil madalas masangkot sa krimen subalit tayo ay nabibilang sa isang ‘civilized society’ kung saan may mga batas at hukuman na maaring dalhin sila. Kapag napatunayang may sala itapon sa kulungan. Kapag ang batas ay inilagay natin sa ating mga kamay at ang gatilyo at dulo ng baril ang nagpapatupad dito anarkiya at karahasan ang mamamayani sa ating bayan. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig Citymula Lunes-Biyernes.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com