Hindi na makita ang mag-asawang Jacinto at Erlinda Ligot. Pinuntahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang tirahan subalit wala na roon. Sabi naman ng Bureau of Immigration, hindi pa nakakalabas ng bansa ang mag-asawang Ligot. Wala raw record ang BI na umalis ang mag-asawa. Nagbuo naman ng trackers ang Philippine National Police (PNP) para hanapin ang mga Ligot. Hindi raw titigil ang PNP hangga’t hindi natatagpuan ang mga ito.
Nag-isyu ng warrant of arrest ang Court of Tax Appeal laban kina Ligot dahil sa hindi pagdedeklara ng kinita noong 2003 at hindi pagbabayad ng tax nito. Ayon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) hindi dineklara ng mga Ligot ang kanilang kinita noong 2003 na nagkakahalaga ng P164.3 million. Ayon pa sa imbestigasyon ng BIR, lumalabas na ang utang sa tax ng mag-asawa ay umaabot sa P153.3 million.
Si Ligot na may suweldong P35,000 isang buwan bilang AFP comptroller ay ikalawa sa mataas na opisyal ng military na kinasuhan ng hindi pagbabayad sa buwis. Ang una ay si dating AFP comptroller retired general Carlos Garcia. Milyong piso ang nakurakot ni Garcia habang comptroller. Nakakulong ngayon si Garcia sa Muntinlupa.
Inimbestigahan ng Senado si Ligot kaugnay sa paglustay sa pondo ng AFP. Itinuro siya ni dating military budget officer George Rabusa. Nagretiro siya bilang comptroller noong 2004. Natuklasan na maraming nakadepositong pera at investments ang mag-asawang Ligot. Kabilang dito ang $1.6 million at $1.28 million na deposito sa isang banko, mga ari-arian at farm sa Bukidnon at Rizal at condominium unit sa Makati City. Marami rin silang mamahaling sasakyan.
May nakasampa ring hiwalay na kaso ang mag-asawa sa Sandiganbayan dahil sa hindi maipaliwanag na yaman na nagkakahalaga ng P135.28 million noong 2005.
Ang BIR pa lamang ang humahabol sa mag-asawa dahil sa hindi nila pagbabayad ng buwis. Puwede silang mag-bail ng P20,000 bawat isa. Pa ano naman ang kanilang malalaking kaso na halos limasin lahat ang pondo ng AFP? Mas dapat ipursige ang pagsasampa ng kaso para maparusahan na kapag napatunayan. Hanapin ang mga Ligot at pagbayarin sa kanilang pagkakautang. Sana naman ay maging alerto ang awtoridad sa mga taong may nakabimbing kaso at baka bigla na lamang maglaho.