Iba't ibang ritwal para sa yumao

MALAMANG nasa sementeryo ka habang binabasa ang kolum na ito. Tayo kasing mga Kristiyanong Pilipino, ginugunita ang mga yumao na minamahal sa All Saints’ Day. Ine-extend pa natin ang paggunita na ito hanggang kinabukasan, All Souls’ Day. May mga nagla-lamay pa sa sementeryo.

Ang All Saints’ Day (Todos los Santos) ang araw ng paggunita sa kabutihang-aral ng mga santo, Pero para sa atin, lahat ng yumao natin ay santo, miski babaero, sugarol, lasenggo, malupit at makasarili. Kaya kasama na rin sila sa ipinagdarasal sa araw na ito.

Walang isang takdang araw ang mga Muslim na Pilipino sa paggunita ng kanilang yumao. Kahit anong araw ay All Souls’ Day. Meron akong kaibigang Tausog sa Sulu na malimit magbarko patungong Sandakan, Malaysia. Binibisita niya ang puntod ng mahal na ina. Doon pumanaw ang ina, at sang-ayon sa Islam ay inilibing agad bago lumubog ang araw.

Nagkalat ang mga Tsino sa Southeast Asia. Karami­ha’y may takdang araw ng paggunita sa summer, bukod sa Agosto na tinaguriang Ghost Month. Nagsusunog sila ng insenso at alay na papel, para pagkalooban ng kaluluwa ng biyaya ang naulila.

Sa Bali, Indonesia, ang pinaka-garbong ritwal ng pag­libing, ayon sa librong “Making an Exit: From the Magnificent to the Macabre —How We Dignify the Dead.” Anang may-akdang Sarah Murray, inaabot nang ilang linggo ang Balinese sa paggawa ng funeral pyre, na karaniwa’y korte higanteng toro. Sinusunog dito ang yumao, sa gitna ng malaking selebrasyon ng kanyang buhay. Bawal umiyak ang mga naiwan, sa paniniwalang mauudlot nito ang pagsalin ng kaluluwa sa Langit.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments