ITO ang utos ng DOJ sa PNP at NBI. Nawawala ang mag-asawang akusado ng tax evasion at pandarambong mula pa noong Setyembre, nang puntahan ng mga opisyal ng korte para silbihan ng warrant of arrest. Pati mga abogado ng mga Ligot ay walang contact sa mga otoridad. Pero ayon sa Bureau of Immigration, nasa Pilipinas pa raw ang mag-asawa dahil walang rekord na sila’y umalis ng bansa. Maliban na lang kung nagbangka patungong Sabah o kung saan pa!
Hindi mahirap isipin na ginamit nila ang kanilang nakaw na yaman para makaalis na ng Pilipinas. Nakita na kasi ang ginawang pag-aresto kay Carlos Garcia, isang dating heneral at comptroller din ng AFP na kasalukuyang nasa New Bilibid Prisons dahil din sa tax evasion. May kasong pandarambong ding hinaharap si Garcia. Bakit naman kasi hindi binantayan ng gobyerno ang mag-asawang ito? Mga high profile na tao sa isang high proifile na kaso, natural na may “flight risk” kung tawagin! Tatakas talaga ang mga iyan kapag nakakita ng pagkakataon, dahil ipit na sila sa mga kaso nila. Hanapin ba naman sila sa Essensa East Forbes sa Taguig, eh kung hindi ako nagkakamali nasa higit P30 milyon ang bentahan ng mga unit doon! Paano naman sila nakabili ng ganyang tirahan sa P35,000 kada buwan na sahod ni Jacinto Ligot? May trabaho ba si Erlinda Ligot na kayang bayaran ang buwanang hulugan ng isang unit sa Essensa? Kayo na ang humusga.
Kung nasa Pilipinas pa ang mag-asawa, hanapin nang husto at sampahan na at ikulong. Malinaw na hindi na sila makikipag-usap pa sa kaninoman. Dapat mabagsakan ng nararapat na hustisya ang mag-asawang ito, pati na ang buong pamilya ni Carlos Garcia. Dalawang heneral na nagbigay ng kahihiyan sa AFP, na pinakita na walang saysay ang mga natutunan mula sa PMA. Mga walang dignidad, mga naging magnanakaw imbis na maging magi-ting. Nakatikim ng sarap ng buhay na dulot ng maraming pera na hindi naman pinaghirapan. Sila ang mga nararapat na makulong ng habambuhay! Kaya hanapin na sila!