EDITORYAL - Huwag gawing basurahan ang mga sementeryo
TAUN-TAON, problema ang mga basurang iniiwan ng mga tao sa sementeryo. Kahit marami ang nagpapaalala na huwag iwan ang mga basura, hindi ito sinusunod. Walang pakialam kung anuman ang mangyari sa iniwan nilang basura. Karamihan sa mga basura na kanilang iniiwan ay mga plastic na bagay. Nakalimutan na ng mga tao na ang mga plastic na bagay na ito ang bumabara sa mga daanan ng tubig. Nakalimutan na marahil ang nangyari nang manalasa ang bagyong Ondoy noong 2009 na nagdulot nang malaking baha at ang itinuturong dahilan ay mga basurang plastic.
Kamakalawa, muling nagtungo sa mga semen-teryo ang grupong Ecowaste Coalition at muli silang nagpaalala sa publiko na huwag iwan ang mga basura sa puntod ng kanilang mahal sa buhay. Taun-taon ay ganito ang ginagawa ng Ecowaste subalit marami pa rin ang ayaw makinig sa kanilang panawagan.
Sabi ng Ecowaste: “Ang Araw ng mga Patay ay araw ng paggunita at hindi araw ng paglikha ng basura sa himlayan ng mga mahal na pumanaw. Sa simpleng pamamaraan ay maidaraos natin ito na walang pag-aaksaya.”
Tama ang panawagan ng grupo. Dapat silang pakinggan upang hindi na danasin ang grabeng pagbaha na dulot ng basura. Payo pa nila, iwasan ang paggamit ng plastik o styrofor na madalas ay napupunta sa mga tambakan ng basura o sa mga kanal, ilog o dagat pagkagamit. Magbaon o bumili lamang ng sapat at di labis. Mas makakabuti kung ilalagay ang mga baon at mga bibilhing pagkain sa dahon ng saging o sa mga lalagyang maiuuwi, mahuhugasan at magagamit muli. Magbaon ng baso’t pitsel upang di na gumamit ng plastik at straw sa tubig, palamig o softdrinks.
Bitbitin pauwi ang mga basura sapagkat kalimitan ay kulang o walang mga basurahan sa sementeryo. Huwag paghaluin ang nabubulok at di nabubulok upang pagdating sa bahay ay mada-ling mailagay ang mga ito sa tamang lalagyan. Ang mga munting basura tulad ng tiket ng bus, balat ng kendi’t supot ng tsitsirya ay ilagay muna sa bag o bulsa. Huwag magkalat, magtambak o magsunog ng basura sa loob ng sementeryo.
- Latest
- Trending