Tu es sacerdos in aeternum!
Ginugunita natin ngayon ang Divine Master Sunday. Ang Diyos ang Haring Dakila at kinatatakutan ng lahat ng bansa. Ipinahayag Niya ang Kanyang utos sa mga saserdote (pari) na parangalan ang Kanyang pangalan sa pamamagitan ng mga gawa at kapag hindi Siya pinakinggan ay susumpain sila.
Sa tuwing ipahahayag namin ang Salita ng Diyos ay yumuyuko kami sa harap ng altar at dumadalangin sa Panginoon: “Open my lips and my mind, oh, Lord so that I may be worthy to proclaim the Good News”. Ito ngayon ang tagubilin sa aming mga saserdote upang huwag nang maganap ang ipinahayag ni Propeta Malakias na ang mga saserdote noon ay maraming pagkakamali o kasalanan; lumihis sa daang matuwid; dahil sa maling turo ay marami ang nabulid sa kasamaan at sumira pa sa Tipan. Kinamuhian sila ng marami sapagka’t hindi sumunod sa bilin at hindi pantay-pantay ang itinuro, sinira ang maraming aral at winalang-kabuluhan ang kasunduan o utos ng Panginoon.
Pinatamaan ngayon ng Panginoon kaming mga saserdote sa hindi namin pagtupad sa sinumpaan naming uri ng buhay bilang mga alagad ng Kanyang simbahan. Sabi ni Pablo na dapat naming italaga ang aming sariling buhay sa pangangaral ng Mabuting Balita. Nagkakamali rin kaming mga Pastol ng inyong simbahan, kaya sa pamamagitan ng kolum kung ito ay humihingi kami ng inyong pag-unawa at pagpapatawad sa aming mga pagkukulang. Ipanalangin ninyo kami upang mapagtibay namin ang Salita ng Panginoon: “Tu es sacerdos in aeternum.” Ikaw ay pari magpakailanman!
Sabi ni Hesus: “Gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang inuutos. Ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa
ang kanilang ipinangangaral. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa”. Nawa’y maging tapat kami sa aming sinumpaang pangako sa Panginoon:
“Panginoong Hesus, pakundangan sa Iyong banal na Katawan at Dugo, iadya mo ako sa tanang aking kasalanan at lahat ng masama, gawin Mo ako’y makasunod lagi sa Iyong mga utos at huwag Mong ipahintulot na ako’y mawalay sa Iyo kailanman.
Malakias 1:14b, 2:2b,8-10; Salmo 130; 1Tesalonica 2:7b, 9-13 at Mt 23:1-12
- Latest
- Trending