Mga pagmumuni sa dalawang kasalan

NAG-NINONG ako sa dalawang kasal sa loob ng isang linggo. Parehong pinili ng mga bagong kasal na konti lang ang panauhin -- kapamilya’t kapuso lang, ika nga. Parehong taimtim ang ritwal simbahan at masaya ang reception. Pero may malaking pagkakaiba: ‘yung isa, unang kasal ng magkasintahang paga-25 anyos; ‘yung ikalawa, muling pagkakasal ng mag-asawa na nang 25 taon.

Sa unang kasal, ganado ang binatang groom at medyo naluluha ang dalagang bride sa pagbigkas ng pangako na, “Maging kabiyak ng iyong puso at kaisang dibdib, simula sa araw na ito, sa hirap at ginhawa, sa sakit man o kalusugan, at mamahalin habangbuhay.” Malugod ang kasunod nilang paghahalikan.

Sa ikalawa, batid na tinupad at patuloy na tinutupad ng mag-asawa ang ipinangako sa isa’t isa, sa harap ng Diyos at tao, 25 taon na ang nakalipas. Bagamat pareho ang binigkas na pangako, hindi lang pang-future kundi pang-past tense ang kahulugan nito. Tapat silang naging magkabiyak na puso at magkaisang dibdib. Dumaan na sila sa maraming sakit at hirap, tatlo na ang propesyonal sa apat na anak, at meron nang isang apo. Nagmahalan sila nang dalawa’t kalahating dekada, at patuloy silang magmamahalan dahil nakagawian na, wala nang saysay maghanap pa ng iba.

Nauna nang dalawang araw ang pag-ninong ko sa 25th (silver) wedding kaysa sa kasal ng dalawang edad-25. Kaya nang hingan ako ng mensahe sa ikalawang okasyon, ikinuwento ko ang mga leksiyong napulot ko sa una. Isa rito ay ang paglagay ng Diyos sa gitna ng relasyon, bilang semento. Ikalawa ay ang pag-iisa hindi lang ng mga ikinasal kundi ng kanilang masasayang pamilya.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail:  jariusbondoc@gmail.com

Show comments