Editoryal - Kaligtasan ng mga pasahero ay isiguro
SIMULA ngayong araw na ito hanggang Lunes ay inaasahang dadagsa ang maraming pasahero sa bus terminal para umuwi sa kani-kanilang probinsiya upang doon gunitain ang Araw ng mga Patay o Undas. Tiyak na mag-aagawan sa upuan para lamang makasakay. Taun-taon, ganito ang tanawin sa mga bus terminal, pier at maski sa domestic airport. Mahaba ang pila at ang karamihan sa pasahero ay sa terminal na natutulog para lamang masiguro na makakasakay.
Ang mga ganitong panahon na dagsa ang mga tao para magsiuwi ang inaabangan ng sinumang gagawa ng kabuktutan. Sasamantalahin nila ang pagkakataon para makapagpasok ng bomba sa bus, barko o maski sa eroplano. Lahat nang posibilidad ay maaaring mangyari. Ang mga “uhaw sa dugo” ay gagawin ang lahat para maisakatuparan ang kanilang masamang gawain na pumatay ng kapwa.
Sa panahong ito dapat maging maingat at mahigpit ang mga awtoridad upang hindi malusutan ng mga terorista at iba pang may masamang tangka. Ipakita ng Philippine National Police (PNP) na handang-handa sila para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero. Pakilusin ang mga pulis para ganap na marekisa ang lahat ng mga pasaherong sasakay sa bus, barko, eroplano at maski sa MRT at LRT.
May ulat na magsasagawa ng kaguluhan sa Metro Manila ang mga masasamang elemento. Magsasagawa umano ng mga pambobomba. May report pa na ang panggugulo ay ganti sa isinasagawang air strike ng military sa mga kuta ng MILF at Abu Sayyaf.
Ilang taon na ang nakararaan nang isang barko ang sumabog sa karagatan ilang oras makaraan umalis sa Manila pier. Ipinasok umano ang bomba sa loob ng TV kaya nakalusot. Maraming namatay sa pambobombang iyon na ang itinuturong may kagagawan ay ang Abu Sayyaf.
Tiyakin ang kaligtasan ng mga pasaherong magtutungo sa kani-kanilang lalawigan. Hindi na dapat maulit ang karumal-dumal na pagpapasabog at iba pang paraan ng pagpuksa sa mga tao. Huwag hayaang makalusot ang mga taong hindi kumikilala sa kanilang kapwa at hindi nagpapahalaga sa buhay.
- Latest
- Trending