'Kapag nawala, bagahe mo' (Tips)

ILANG araw na lang, magiging abala na naman ang mga bus terminals at iba pang pampasaherong sasakyan.

Taun-taon, tuwing panahon ng Undas, dinarayo ng maraming tao ang mga lugar na ito. Kaya’t bago mapabilang sa mga biktimang nawawalan ng bagahe tuwing bibiyahe, narito ang ilang tips mula sa BITAG.

Una, sa bahay pa lamang, gumawa na ng listahan kung anu-ano ang laman ng inyong mga bagahe. Idetalye kung ano ang tatak, kulay, laki at bilang ng mahalagang gamit sa loob nito.

Mas makabubuti kung kukuhanan ito ng larawan at i-save sa inyong cell phone. Ito ang magiging ebidensiya na dala-dala n’yo ang mga nasabing gamit bago kayo sumampa sa mga pampasaherong sasakyan.

Ikalawa, lagyan ng pangalan, address at contact number ang loob at labas ng inyong bag. Ito’y upang ma-iwasan na magkapalit-palit ng bagahe ang mga pasahero lalo na’t magkakapareho ang itsura nito.

Ikatlo, i-lock o gumamit ng heavy duty na lock sa inyong mga bagahe. Ang mga kawatan, kapag nakitang mahihirapan silang nakawan ang inyong mga gamit, madidismaya silang ituloy ang maitim na balak.

Ikaapat, sakaling nangyari na at nawala ang inyong bagahe, ireport ito agad sa pamunuan ng sinakyang bus, eroplano o barko o sa customer service ng terminal, pier o airport upang maipatawag ang representante ng kumpanyang sinakyan.

Siguraduhing magpa-blotter sa pinakamalapit na pulisya, wag kalimutang ideklara ang mahahalagang gamit na nawala at estimated value nito.

Ang ikalima at panghuli, mas ligtas ang inyong mahahalagang gamit kung iha-hand carry na lang ito at ‘wag nang isama sa bagaheng itsi-check in sa taguan ng sasakyan.

Sakaling mawala ang mga mahahalagang gamit, wala kang ibang sisisihin kundi ang sarili mo.

Subalit kung talagang nais mong ‘wag mawalan o iwas-sakit ng ulo, ‘wag mo nang bitbitin sa iyong malayong biyahe ang mamamahalin at mahahalagang gamit mo. Maging alerto sa panahong ito, mag-ingat, mag-ingat! 

Show comments