Malayang Libya
PAGKATAPOS ng walong buwang kilos-protesta sa Libya, nahuli at napatay rin ang diktador na si Muammar Gaddhafi! Ang mga video at larawan sa internet kung saan ipinapakita ang duguang mukha ni Gaddhafi habang kinakaladkad at ipinatong sa hood ng isang sasakyan ay patunay na galit na galit ang Libyans sa taong ito. Dapat ganito rin ang sinapit ni Osama Bin Laden nang mahuli. Nakuha rin naman ni Gaddhafi ang kanyang hiling, na mamatay habang lumalaban. At hindi nga sumuko ang diktador. Ngayon, kasiyahan na sa mga kalsada ng Libya, dahil para sa kanila, malaya na mula sa pagkakasakal ng diktador ng higit apat na dekada!
Pero simula pa lang ng sakit ng ulo ng Libyans, kung hindi sila magkakaisa at aayusin ang kanilang nasirang bansa. Dumaan din sa ganitong pagtanggal ng diktador ang Egypt, bagama’t hindi naman pinatay si Hosni Mubarak at kusang bumitaw na lang sa kapangyarihan. Nauna pa ang Egypt sa Libya ng isang buwan. Pero hanggang ngayon, magulo pa rin ang pagtataguyod ng bagong gobyerno sa bansa. Sa Libya, nagkaroon ng digmaang-sibil, kung saan nahati ang bansa bago tuluyang nakuha ng mga rebelde ang kabuuan ng Libya. Sa madaling salita, marami pa riyan ang tapat pa rin sa dating diktador pero hindi na muna lumaban. Baka naghihintay lang ng tamang panahon, kung dadating man iyon.
Ang buong mundo ay naghihintay kung ano na ang magaganap sa isang Libya na wala nang Gaddhafi. At ang importanteng tanong, kailan dadaloy muli ang langis ng Libya. Ito lang naman ang dahilan kung bakit tumulong ang NATO sa mga rebelde. Langis mula sa Libya na ayon sa mga eksperto, ay isa sa pinaka-magandang uri ng langis mula sa lupa. Sana nga dumaloy na ang langis para bumaba naman ang presyo ng lahat ng produktong petrolyo at sinasakal na ang lahat ng industriya at ekonomiya! Kung wala na si Gaddhafi, sino ngayon ang may kontrol sa langis ng Libya? Ito ang dapat maayos sa lalong madaling panahon.
- Latest
- Trending