Ulan at Hangin
Sa umagang ito’y umaraw na naman
Umalis ang bagyo – nawala ang ulan;
Salamat sa Diyos at medyo naibsan
Ang hirap at dusa nitong sambayanan!
May ilang taon na ang nakalilipas
Dumating si Ondoy na bagyong malakas;
Ito ay nag-iwan nang maruming bakas
Sa maraming tao’t tahanang nawasak!
Hindi kalakasan ang dala niyang hangin
Subali’t ang ulan ay nakababaliw;
Ito ay nagdulot ng bahang malagim
At maraming buhay ang kanyang inangkin!
Nabiyak ang lupa’t tulay nagbagsakan
Maraming nasira na mga tahanan;
Sa mga landslide kay daming namatay
Kaya itong bansa naiwang lupaypay!
Pagkatapos nito’y dalawang bagyo pa
Si Pedring at Quiel nagdaan sa bansa;
Di masyadong ulan ang kanilang dala
Malakas na hangin siyang naminsala!
Sa bayo ng hangin bumagsak ang bahay
Ng maraming dukha at hirap ang buhay;
Alo’y dambuhala sa mga dagatan
At ang mga ilog sa baya’y umapaw!
Maraming bukirin ang noo’y nasira
Mga magsasaka sa hirap ay dapa;
Hindi makalabas mga mangingisda
Sapagka’t sa dagat alo’y dambuhala!
Ga-higanteng alon na taboy ng hangin
Nagdulot ng baha sa baya’t bukirin;
Malalaking bahay at kongkretong building
Pinasok ng baha ang tao’y gupiling!
Mga bayang dati’y di nasasalanta
Ngayon ay lubog pa sa putik at baha;
Wari bang sa ati’y may tumamang sumpa
Sa dami ng taong mali ang adhika!
- Latest
- Trending