Si Ongpin, si Senyor at si Juan dela Cruz
MASYADONG kumplikado itong isyu tungkol sa Deve-lopment Bank of the Philippines (DBP) na iniimbestigahan ni Sen. Serge Osmeña, masyadong teknikal lalo na at mga bankero ang mga sumasagot. Mga taong matitindi ang pinag-aralan. Para luminaw ito ang simpleng kuwento.
Uutang si Juan dela Cruz o sino man sa atin ng pera sa banko pambili ng kotse, bahay o kahit magbubukas ng maliit na tindahan. Hihingian ka nga income tax return, bank statement, co – maker, employment certification o audited financial statement, driver’s license/passport o ano pang ID na isyu ng gobyerno at marami pang ibang papeles at katakut-takot na imbestigasyon.
Sa halagang P100,000 ay abutin ka pinaka-mababa ay isang linggo at kailangan kumpleto ang papeles mo. Habang lumalaki ang uutangin mas mahaba rin ang paghihintay at hindi ka pa tiyak kung maa-approve.
Utang naman si Ginoong Roberto V. Ongpin sa DBP, isang banko na pag – aari ng gobyerno ng halagang P600 million ay aprubado agad ang loan niya.
Nagpasa ng request para umutang sa umaga, sobrang sipag ng mga taga-DBP at hindi inabot ng sarado ng banko ng alas-3 ng hapon ay approved ang loan.
Ang mga papeles na dapat mas marami ang kailangan, aba, hindi na raw kailangan, waive na raw ito.
At bakit? Simple lamang, dati raw siyang Trade Mi-nister ng pinatalsik na President Ferdinand E. Marcos, negosyante, mayaman at higit sa lahat kaibigang matalik ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo at ni Madam Senyora Donya Gloria.
Tayo, wala! Ordinaryong mamamayan, kailangang sumunod at pumila at maghintay habang nag-uusap pa sina Ongpin, Arroyo at iba pa.
* * *
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon text lang sa 09498341929 o e mail sa [email protected]
- Latest
- Trending