Kamakailan, namalas natin ang pangatlong sangay ng gobyerno na sumali sa bangayan. Ang Supreme Court na binubuo ng mga mahistrado na hindi halal tulad ng inyong mga senador at congressman sa Kongreso at Presidente mula sa Ehekutibo. Ang Korte Suprema ay ngayo’y bahagi ng sabong laban sa Palasyo. Ang pinagtatalunan? Pera.
KARANIWANG maririnig sa balita ang bangayan sa pagitan ng Palasyo at Kongreso. Maituturing ang dalawang kagawarang ito na pinaka-mapolitika sa tatlong sangay ng gobyerno marahil na dulot ng pagiging mga pangunahing boses ng mga problema na hinaharap ng bayan ang mga miyembro nito.
Ayon sa Konstitusyon, ang Korte Suprema o Hudikatura ay may tinatawag na “fiscal autonomy” o layang paggamit sa perang nakalaan ng gobyerno dito na walang panghihimasok . Naaayon din ito sa diwa ng pagkakapantaypantay ng tatlong sangay ng gobyerno sa mata ng Konstitusyon. Ang tanong, sino ngayon ba ang llamado?
Ngunit di tulad ng laro ng sabong kung saan kung may llamado ay may panalo ang bagay na ito. Dahil kung may manalo man sa pagtatalong ito, lalabas na si Juan Dela Cruz ang dehado. Ang pinakamagandang bagay na dulot ng pagresolba ng paksang ito ay ang patuloy na paghubog, sa pamamagitan ng interaksyon na ganito sa pagitan ng dalawang sangay ng gobyerno, ng mga prinsipyo na magiging gabay para sa pagpapatibay ng diwa ng isang sistemang demokrasya.
Para doon sa mga nababahala na bumagsak ang sistemang itinalaga ng Konstitusyon dahil sa nawawari nilang pagkawala ng balangkas ng kapangyarihan sa pagitan ng tatlong pangunahing sangay ng gobyerno — huwag matakot. Isa itong sukatan ng kalusugan ng isang demokrasya.