NAG-UUSAP daw ang magkabilang panig para raw sa kapayapaan. Pero hindi ganito ang nangyayari ngayon sapagkat habang may nag-uusap ay mayroon namang nagpapatayan. Habang pinag-uusapan kung ano ang magandang gawin para makamit ang kapayapaan, walang tigil ang putukan at marami ang namamatay. Ano pang silbi ng pag-uusap kung wala naman palang nararating? Mas maganda kung wala nang pag-uusap na maganap.
Nagkaengkuwentro ang mga sundalo at rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Al-Barka, Basilan noong Martes. Labingsiyam na sundalo ang napatay at umano’y anim naman sa MILF. Nagsasagawa ng hot pursuit operation ang may 40 sundalo ng Philippine Army sa isang barangay sa Al-Barka dahil sa isang report na naroon ang kidnapper. Pero nabigla ang mga sundalo nang ratratin sila ng MILF rebels. Umano’y 90 rebelde ang tumambang sa kanila. Nahirapan ang mga sundalo sapagkat ang lugar ay hindi nila kabisado. Outnumbered din umano sila. Ayon sa isang sundalo kinulang din sila sa bala. Tumagal ng walong oras ang labanan.
Hindi lamang sa mga sundalo at rebelde may namatay kundi pati mga sibilyan. Inilikas ang maraming pamilya sa lugar para hindi madamay sa labanan. Nagkanya-kanyang tago ang iba pa. Hindi mailarawan sa kanilang mukha ang takot. Maraming beses nang naiipit sila sa bakbakan ng mga sundalo at MILF rebels. Tinatayang 150,000 na ang namamatay dahil sa kaguluhan sa Mindanao na nagsimula pa noong dekada ’70.
Ilang buwan na ang nakararaan, sekretong nakipag-usap si President Noynoy Aquino kay MILF leader Murad Ebrahim sa Tokyo. Marami ang umasa na magkakaroon na ng permanenteng kapayapaan kasunod ng pag-uusap nina Aquino at Murad. Pero makaraan lang ang ilang linggo, ni-reject ng MILF ang alok ng gobyerno na Muslim autonomy. Sa kabila niyon tuloy daw ang pag-uusap para sa kapayapaan.
Itigil na ang pag-uusap. Wala nang silbi ito. Sa pag-uusap ay kailangan ang lubusang pagtitiwala ng isa’t isa. Hindi puwedeng isa lamang ang magtitiwala. Hayaan na lamang na ituloy ng gobyerno ang pagprotekta at pagsupil sa sinumang magsasagawa ng rebelyon sa Mindanao.