Ang mag-asawang William at Mary ay magkatuwang sa negosyo. Sa kanilang negosyo, nagbukas sila ng checking account sa banko. Kahit sino sa kanilang dalawa o kahit pa sabay sila ay puwedeng pumirma sa mga tseke. Bawat isa sa kanila ay may checkbook kung saan hiwalay silang kumukuha at nagbabayad ng tseke gamit ang pera nila sa banko. Dahil hindi man lang nagtipid ang mag-asawa, umabot sa halagang P35,000 ang kanilang mga naipalabas na tseke. Dahil sa sobra-sobra ito kumpara sa pera nila sa banko, napilitan silang umutang sa banko at ginamit na prenda ang stock certificates nila.
Dumating ang takdang panahon ng pagbabayad at hindi nabayaran ng mag-asawa ang kanilang utang. Inilit ng banko ang nakaprendang stock certificates. Kaya lang, kahit pa ibinenta ang mga ito ay hindi pa rin sapat upang bayaran ang pagkakautang ng mag-asawa kaya idinemanda sila ng banko. Hiningi ng banko na makuha ang bayad sa kahit sino sa dalawa. Argumento naman ng mag-asawa, hindi sila dapat magbayad sa lahat. Dapat daw ay kung ano lang ang pananagutan nila. Halimbawa, sa kaso ni Mary, nakinabang lang siya sa halagang P10,000 kaya hanggang doon lang ang babayaran niya. Ano ba ang pananagutan nina William at Mary?
Alinsunod sa Art. 161 Civil Code, lahat ng pagkakautang o kung anumang obligasyones ng mag-asawa habang kasal sila maging kay mister ito o kay misis (sa mga pagkakataon na siya ang namamahala sa ari-arian) ay dapat bayaran ng conjugal partnership. Dahil nga kulang pa ang nakaprenda nilang stock certificate, dapat na magkatuwang na pagbayaran nina William at Mary ang banko sa pamamagitan ng kung anuman ang kanilang nakahiwalay pa na ari-arian.
Pro-rata o dapat na kung ano lang ang porsyento ng pagkakautang ang babayaran ng bawat isa sa kanila alinsunod sa ordinaryong negosyo ng partnership (Art. 147 Civil Code, National Bank vs. Quintos and Ansaldo, 46 Phil. 370).