Ang kasinungalingan
Totoong mahina ang ating anti-perjury law. Walang nakukulong sa mga nagsisinungaling.
Ibig kong sabihin ay yung mga taong humaharap sa pagdinig at nanumpang magsasabi lamang ng totoo. Pero para sa akin, mas mabigat na parusa na habambuhay na kukutyain ka ng kapwa tao mo dahil hindi ka mapagkakatiwalaan sa iyong mga sinasabi. Pati buong pamilya mo’y tataglayin ang pangit na batik.
Ang tinutukoy ko ay yung mga sumaksi sa mga hea-rings na nagbago ng deklarasyon. Sabi nga ni Sen. Alan Peter Cayetano parang “panghimagas” na lang ng mga saksing ito ang pagsisinungaling.
Kasi nga’y napakahina ng anti-perjury law at walang nasasampolang sinungaling na testigo. Nawawalan nga naman ng kredibilidad ang mga congressional inquiries dahil sa mga kasinungalingan ng ilang testigo.
Naniniwala si Cayetano na dapat masampolan ang mga humaharap sa mga imbestigasyon at sumusumpang hindi magsisinungaling pero iba naman ang ginagawa.
Tinukoy ni Cayetano ang ginawa ni Judge Nagamura Moner na noong 2005 probe ay nagsabing walang nangyaring pandaraya sa eleksyong pampanguluhan noong 2004. Tapos, biglang-biglang inamin niya sa pagsisiyasat ngayon ng Senado na isa siyang operator sa ginanap na dayaan. Inamin pa niya na siya man ay tumipak ng milyon sa naganap na pandaraya. Grabe.
Malinaw nga naman ang naganap na perjury. Pero bagamat may batas laban dito, wala namang nasasampolan at naparurusahan.
Pero tulad ng sinabi ko, makalusot man sila sa batas, hindi na mawawala ang stigma sa mga taong ito na tataguriang mga taong walang dangal at hindi katiwa-tiwala.
Kung ako ang magkakaroon ng magulang na ganyang nuknukan ng sinungaling, malamang magpalit ako ng pangalan dahil kahiya-hiya ang lahi ko.
Lahat naman tayo ay nakagawa ng kasinungalingan sa mga simple at maliliit na bagay. Pero may mga pagsisinungaling na sadyang nag bibi-gay batik sa taong gumagawa nito. Again, let me quote one line from an old song by Billy Joel: “Honesty is such a lonely word, everyone is so untrue!”
- Latest
- Trending