Ang bigong hero's burial kay Marcos

NANG buhay pa si dating Presidente Ferdinand E. Marcos na napatalsik sa mapayapang People’s Power revolt noong 1986, nasabi ko sa sarili ko na kasaysayan lang ang huhusga kung siya ay naging mabuti o masamang leader.

Hangga ngayon ay umaasam ang pamilya ng yumaong diktador na mabibigyan ng hero’s burial si Marcos sa Libingan ng mga Bayani, bagay na mahigpit na tinutulan ni Presidente Benigno Aquino III.

Sabi ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos, ibinasura ni P-Noy ang tsansang magkaroon ng reconciliation upang makapag-move-on ang dalawang pamilya. Iyan din naman ang sentimiyento ni Sen. Ferdinand Marcos, Jr.

Pero papaano mo namang aasahang pumayag si P-Noy na anak ni Ninoy Aquino na pinaslang sa tarmac ng Manila International Airport noong panahon ni Marcos na hinihinalang nagpakana ng asasinasyon?

Matagal na naghari si Marcos bilang diktador. Habang marami ang galit sa kanya, nagkaroon din siya ng mara-ming followers na naniwala sa kanyang liderato. Tanggapin man ito o hindi ng mga masusuklam kay Marcos, may mga taong dini-diyos ang yumaong leader hangga ngayon bagamat sa bagong henerasyon, marami na ang nakalimot sa kanya at para sa kanila, isa lamang historical account sa libro ng kasaysayan si Marcos.

Ngunit hindi puwedeng maliitin ang naganap na EDSA revolution noong 1986 nang sama-samang pinatalsik sa mapayapang paraan ng taumbayan ang isang presidenteng sinasabing nagsamantala sa bayan.

Sabi ni dating Senador Rene Saguisag, kung bibigyan ng hero’s burial si Marcos, mistulang ginago ng mga Pilipino ang sarili dahil pinatalsik ang isang sinasabing masamang leader na kalaunan ay ililibing bilang isang bayani. Masalimuot at magulo ang isyu. Panukala ni Saguisag, baguhin ang pangalan ng Libingan at gawing Libingan ng mga dating Pangulo para maging kuwalipikado si Marcos.

Maghintay na lang ang pamilya ng yumaong Pangulo at baka dumating ang araw na magkaroon ng administrasyon ng papayag mailibing si Marcos bilang bayani.

Pero duda ko, mag­karoon man nang ga­ nung leader, tiyak pi­pigilan siya ng mga nalalabing taong tutu-tol sa hero’s burial para kay Marcos.

Show comments