KUWENTO ITO ng madiskarteng mag-asawa na sina na Fred at Donna. Sila ang may-ari ng F & D enterprises. Nagnenegosyo sila ng mga materyales para sa construction. Si Fred ang manedyer at sila ni Donna ang tagapirma sa mga tseke. Madalas, si Donna lang ang pumipirma sa mga blankong tseke at ipinagkakatiwala na lang niya ang lahat kay Fred.
Bilang manedyer, si Fred ang nakikipagkontrata sa mga contractor para sa pagbibigay ng mga materyales sa itinatayo nilang project. Magbibigay ang contractor ng paunang bayad sa mga materyales pagkatapos ay saka sila bibigyan ni Fred. Hindi natupad ni Fred ang kanyang obligasyon. Walang materyales na nadala sa contractor. Nagreklamo ito at bilang pampalubag-loob, inalok ni Fred na babayaran na lang ang nakuhang advance sa pamamagitan ng pagbibigay ng dalawang post-dated na tseke. Ibinigay niya sa contractor ang dalawang tse-keng pirmado ni Donna. Sa kasamaang-palad, tumalbog ang mga tseke dahil walang pondo. Nang ipinaalam kay Fred ang nangyari, nagbigay ulit siya ng isang tseke bilang kapalit, pirmado ulit ito ni Donna. Tumalbog din ang tseke. Nainis ang contractor at nagpadala ng dalawang sulat para singilin si Fred sa mga tumalbog na tseke. Walang naibayad ang mag-asawa kaya nademanda sila ng BP 22 o paglabag sa tinatawag na “Bouncing Check Law”. Ayon kay Donna, wala naman siyang pananagutan sa kaso. Wala raw siyang alam na tumalbog ang mga tseke dahil ang asawa niya ang kausap ng contractor. Ang asawa niya ang nagbigay ng tseke sa contractor at sila ang may transaksiyones. Tama ba si Donna?
TAMA. Malinaw na ang esklusibong kausap ng contractor ay si Fred lamang. Walang alam sa transaksiyones si Donna. Maging ang pagbibigay ng tseke ni Fred sa contractor ay hindi niya alam. Sa katunayan, ang mga sulat na ipinadala ng contractor ay para lang kay Fred at ang lalaki lang ang nakatanggap nito. Isang mahala-gang elemento ng BP 22 ay ang kaalaman ng pumirma ng tseke na tumalbog ang tsekeng kanyang ginawa o ibinalik ng bangko ang tseke niya dahil sa kakulangan ng pondo.
Dahil walang nalalaman si Donna na ibinayad na pala ni Fred ang tseke, o kahit pa ang transaksiyon ng kanyang mis ter sa contractor pati ang pagtalbog nito, wala siyang pananagutan sa kaso (Dingle v. Intermediate Appellate Court, 148 SCRA 595).