PAANO nagkatrabaho bilang security guard ang isang katulad ni Lester Rivera, na may kasaysayan na pala ng krimen na alam ng kanyang pamilya? May record na pala itong halimaw na ito, bakit binigyan pa ng trabaho kung saan hahawak pa ng baril! Inamin daw ni Rivera na binaril niya ang biktimang si Given Grace Cebanico, pero tinangging ginahasa niya. Para namang mas magaan yung pagbaril kaysa ginahasa! At para saan yung pagnakaw nila? Magkano lang ba ang makukuha sa isang mag-aaral, na buhay ang kapalit at pinahirapan pa?
Kung mahigpit lang sa records ang pulisya, kompanya, barangay, munisipyo – hindi makakalusot ang tulad ni Rivera. Hindi na mabibigyan ng trabaho dahil may kasaysayan na ng krimen. Dito nagkulang nang husto ang kompanyang kumuha sa kanya para maging guwardiya. Baka sa psychological testing pa lang ay bumagsak na si Rivera kung ganyang klaseng karima-rimarim na krimen ang natitipuhang gawin!
Kailangan na talaga nating humabol sa pagka-moderno ng buhay. Marami nang teknolohiya ang magagamit para labanan ang krimen. Kung tumataas ang insidente ng krimen sa bansa, hindi pag-aarmas sa mamamayan ang solusyon kundi ang pagpapalakas ng pagtupad ng batas. Pagiging armado ng kapulisan sa teknolohiya, para laba-nan ang krimen. Kailangan natin ng pambansang records ng lahat ng fingerprint ng mamamayan, para mas madaling hanapin ang mga kriminal kapag nag-iwan ng fingerprints niya. Kung walang tumestigo sa kasong ito, baka malaya pa ang dalawang halimaw na hawak ng pulis ngayon!
Kailangan nating manggalaiti sa ganitong klaseng krimen. Iyan ang kulang din sa atin. Hindi tayo lubusang nagagalit sa mga ganitong klaseng pangyayari, basta’t hindi tayo ang apektado. Kaya rin tumagal ang diktadurya ni Marcos ng 20 taon, dahil hindi tayo lubusang magalit sa nangyayari sa bansa. Sa mga ganitong klaseng krimen, gusto ko nang mabalik ang death penalty. Para sa akin, ang ganitong klaseng kriminal ay wala nang karapatan, wala nang maitutulong sa mundo. Madali sabihing may karapatan din sila dahil tao rin. Pero ano naman ang ginawa nila sa biktima? Tinrato ba nilang tao? Kailangan may kabayarang malubha ang ganitong krimen, hindi lang panghabambuhay na kulong na hindi naman talaga nangyayari at nakakalabas din matapos ang ilang taon.