Matibay na habla sa chopper scam
“O KITAMS!” Taliwas sa apurahang hablang plunder na isinampa ni Gen. Samuel Pagdilao, mas mababang graft lang ang rekomendasyon ng Senate Blue-Ribbon Committee. Ito’y dahil, sa pananaw ng mga senador na madaling mapapatunayan sa korte ang sakdal na korapsyon kumpara sa plunder. Pareho ang maaring sentensiya: Habambuhay na pagkakulong. Ang kaibahan ay walang piyansa sa kasong plunder, habang binibista pa lang ay nakapiit na, samantalang maaring magpiyansa sa graft.
Maikukumpara ang habla ni Pagdilao sa mga pre-emptive na kasong impeachment na isinampa ng mga utusang nagpapanggap na kritiko taon-taon laban kay noo’y-President Gloria Arroyo nu’ng 2005-2009. Sad-yang minali ito para mawalang sala ang mga sakdal. Maihahambing naman ang rekomendadong graft case ng mga senador sa pagpapakulong sa Chicago gangster Al Capone. Imbis na isakdal ng racketeering at murder na mahirap patunayan sa korte, kinasuhan siya ng tax evasion lang pero naipakulong nang matagal.
Ani Pagdilao, mga senador mismo ang nagpayo sa kanya na maghabla ng plunder, pero hindi niya sila pina-ngalanan. Nakausap ko noon si dating Chief State Prosecutor Jovencito Zuño, na legal adviser ng Blue-Ribbon, at aniya wala siyang nakitang plunder. Gay’un din ang sabi ni Atty. Noel Malaya, consultant ni Sen. Jinggoy Estrada na nakapagpa-absuwelto sa kanya sa kasong plunder at ngayo’y counsel ni Col. George Rabusa sa paghabla ng plunder laban sa mga military officers.
Pinasasakdal ng Senado ng graft sina dating first gentleman Mike Arroyo, interior secretary Ronaldo Puno, at PNP chief Jesus Verzosa. Sangkot din ang kapatid ni Mike na Cong. Ignacio Arroyo at personal bookkeeper na si Roena del Rosario, na hindi isinama ni Pagdilao.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending