'Makikipag-chat ka pa ba sa hindi mo kakilala?' (Romance online acam)
KARANIWANG kababaihang naghahanap ng mapapangasawang dayuhan, eto ang target na biktima ng isa pang international modus na nadiskubre ng BITAG, ang Romance Online Scam.
Nagkakakilala ang suspek at ang biktima sa mga social networking at dating sites. Sa mga website na ito, wala kang dapat pagkatiwalaan dahil karamihan ng mga impormasyon ng mga taong kasanib dito ay bogus.
Sa pangalan pa lamang, mauunawaan agad kung paano namodus ang biktima. Nagsisimula ang lahat sa teknolohiya ng chatting.
Ang mga suspek sa likod ng Romance Online Scam, mga nagpapanggap na dayuhan mula sa United States at Europe. Pakilala nila, businessman daw sila subalit hindi nagpapakita ng mukha sa ka-chat.
Aakalain ng biktima, naka-jackpot siya, dahil ang kanyang ka-chat, may pera na, imported pa. Sa patuloy na pakikipagpalitan ng sweet messages, bolahan at pangako, nahuhulog na sa patibong ang mga pobreng kababaihan.
Narito ang estilo ng romance online scam: Una, ma-ngangako si dayuhang ka-chat na magpapadala siya ng mamahaling gadget at malaking halaga ng pera bilang regalo sa prospect na babae.
Ikalawa, makakatanggap ng e-mail ang biktima na nahold sa immigration o sa shipping company ang ipinadala ni dayuhang ka-chat.
Ang dahilan daw kaya hindi pa ito maide-deliver sa kaniya, mga kuwestiyonableng bagay tulad ng sobrang mahal ng item at malaking pera ng halagang ipinapadala. Kuwidaw ka, peke ang e-mail na iyan dahil ang iyong ka-chat mismo na dorobo ang nagpadala ng notice na iyan.
Ikatlo, bago makuha ang mga item na ipinadala, kinakailangan niyang magbayad ng kinse mil pataas bilang tax sa mga nasabing gadget at pera.
Isa pang estilo ng Romance Online Scam, ma-ngangako ang suspek na dadalawin sa Pilipinas ang kaniyang ka-chat. Subalit sa araw ng dating nito sa Pinas, tatawag ito sa kanyang sweetheart at sasa-bihing pinigil siya ng immigration dahil sa laki ng perang dala nito.
Hihingian ang biktima ng pera na peso currency bilang penalty ng suspek dahil puro dolyares umano ang dala nito kaya’t hindi tinatanggap ng immigration.
O, ang target ng modus na ito ay mga kababaihang edad 30 pataas. Ayon sa National Bureau of Investigation o NBI, sinasamantala ng mga manloloko ang kagustuhan ng mga kababaihang makapag-asawa ng mayaman at dayuhan. Sila ‘yung paboritong biktimahin ng modus na ito dahil daw sa kahirapan.
Mag-ingat, mag-ingat! Ngayong alam mo na ang panlolokong ito, gugustuhin mo pa ring makipag-chat sa hindi mo kakilala?
- Latest
- Trending