Paalam ninong

KAHIT alam ko na malala na ang sakit ng isang mahal sa buhay ay patuloy pa rin akong umaasa na baka bigla siyang gumaling. Ganyan ang nararamdaman ko kay Atty. Ricardo Aguilar Cruz. Ninong ko sa kasal pero kung tawagin ko ay Pareng Ric dahil parang barkada at kuya. Wala ho sa kanya ang generation gap dahil para siyang one of the boys. Kaya lubos ang lungkot ko noong Martes ng umaga nang malaman na pumanaw na siya. Matagal siyang nakipaglaban sa kanser. 

Sa mga panahong kasama siya, isa ang aking natutunan sa kanya at iyan ay maging matapat sa asawa, kaibigan at sa pamilya. Hindi ho in order of priority ito. Komo pare-pareho mga lalaki ay hindi maiwasan ang magbiruan at magkantiyawan sa mga kadalasang kalokohan ng lalaki. Dito ho madalas sumingit si Pareng Ric at sinasabing hindi ko dapat gawin ang mga bagay na ito dahil ang samahang tapat ng mag-asawa ay napaka-halaga lalo sa panahong may karamdaman o may katandaan na ang mag-asawa. 

Bilin din niya na kailangang laging subaybayan ang pamilya, ang mga anak at mahalaga ang pag-uusap upang ang mga anak ay magkaroon ng lakas ng loob at panahon na magtapat sa mga magulang tungkol sa mga suliranin nila. Ganoon din daw ang mga magulang. Importanteng nakakausap ang mga anak na bagama’t iba ang henerasyon ay may talinong uunawa at tutulong sa mga pagsubok ng pamilya. 

Sa kaibigan, tapat ho si Pareng Ric. Hindi ho siya na-ngangaral tungkol dito pero pinakikita niya sa aming lahat. Handa ho siyang dumamay at parang kapatid ang turing niya sa mga malalapit sa kanya. Isa ho ako sa nakinabang ditto. Sa panahong mabigat ang personal kong mga suliranin ay si Pareng Ric ang madalas kong makausap at nagpapayo sa paraang parang nakatatandang kapatid at kaibigan. 

Ngayong wala na si Pareng Ric, bawas na ang barkadahan, kulang ng isang kuya, kumpare at ninong. Pero una-una lamang ito. Ang importante naman ay nabuhay tayong may naiwang maganda. May naitulong sa kapwa at naibahagi sa sangkatauhan. Sa kaso ho ni Pareng Ric, marami ho siyang naiwang kabutihan at aral sa aming mga kaibigan niya. Isa ang tiyak, hindi malilimot si Pareng Ric, lagi siyang nasa aming alaala. Salamat Pareng Ric at laging bahagi ka ng buhay namin.

Nakaburol si Pareng Ric sa Heritage Park sa Taguig. Ang libing ho ay sa Linggo ng umaga, diyan din ho sa Heritage Park. Sa naiwan niyang si Ninang Erly, mga anak at apo, salamat, dahil kay Pareng Ric naging kapamilya ko kayo. 

• • • • • •

Para sa anumang re­aksyon o suhestiyon text lang sa 09498341929 o e mail sa nixonkua@ymail.com

Show comments