Editoryal - Kahit 'segundamanong' jail
ISINAMPA na sa Office of the Ombudsman ng Senate Blue Ribbon Committee ang kasong graft laban kay dating First Gentleman Mike Arroyo at 18 iba pa na kinabibilangan ng matataas na opisyal ng Philippne National Police (PNP). Ang kasong graft ay may kaugnayan sa pagbili ng PNP sa dalawang Robinson’s helicopter noong 2009. Ayon sa report nagkaroon ng kutsabahan sa pagbili ng dalawang helicopter na ang presyo ay para sa brand new pero lumabas na second hand na pala. Nadaya ang pamahalaan ng P62.7 million sa pagbili ng mga segunda manong helicopter.
Paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) ang kinaso sa kanila. Lumabas sa imbestigasyon na ang dating First Gentleman ang nagmamay-ari ng dalawang helicopter. Sabi naman ng kampo ng dating First Gentleman, walang katotohanan ang ikinaso sa kanila ng Senado at trial by publicity ang nangyari. Inililihis lang daw nito ang isyu kaugnay sa pagkakahuli ng baril ni Political Adviser Ronald Llamas.
Sa bansang ito, karaniwang ang “malalaking isda” ay hindi nalalambat at pawang ang maliliit na isda o “dilis” ang nahuhuli at naisasalang sa apoy. Patuloy na nakahuhulagpos ang mga “balyena” at “pating’’ at walang sawa sa pagpapasasa sa pera ng taumbayan. Habang marami ang naghihirap, may-sakit at nagugutom ang mga matatakaw sa pera ay patuloy sa paglamon. Wala silang kabusugan. Kahit bundat na bundat ay patuloy pa rin sa pagpapakabusog. Tinalo pa ang buwaya na kapag busog ay ilang buwan na hindi lumalamon.
Ang mamamayan ay matagal nang nangangarap na may mga corrupt na opisyal na makulong upang magkaroon nang pagbabago sa bansa. Ang mga corrupt ang pangunahing hadlang para makamtan ng bansa ang pag-unlad. Marami nang presidente ng Pilipinas ang nagsabing dudurugin nila ang mga corrupt sa pamahalaan subalit walang nangyari at patuloy pang dumami ang mga nagpapasasa sa kaban ng bayan.
Nasa kamay na ng Ombudsman ang kasong isinampa kina Arroyo at iba pa. Maraming naniniwala na mayroon nang kredibilidad ang Ombudsman sa kasalukuyan at maisisilbi na ang patas na hustisya. Parusahan ang mga nagkasala upang mabawasan na ang mga nagpapasasa sa pera ng taumbayan. Kung maitatapon sa kulungan (kahit daw sa segunda manong kulungan, ani Sen. TJ Guingona) masisiyahan ang taumbayan sapagkat maaari nang mabawasan ang matatakaw.
- Latest
- Trending