Nakasuhan na rin
INILABAS na ng Blue Ribbon Committee ang kanilang mga nakalap na impormasyon at ebidensiya hinggil sa pagbenta sa PNP ng dalawang segunda manong Robinson R44 helicopters ni dating Unang Ginoo Mike Arroyo. At hindi na naghintay ang mga senador ng magsasampa ng kaso, dahil sila na mismo ang nagtungo sa Tanggapan ng Ombudsman para magsampa ng kaso laban kay Arroyo, dating DILG Sec. Ronaldo Puno, dating PNP Director General Jesus Verzosa at marami pang mga pulis o dating pulis. Malinaw na pinlano ang pagbenta ng dalawang segunda-manong helicopter sa PNP, kahit ang kanilang hiniling ay mga bagong unit, at kumita pa ang nagbenta. Sa mga nakalap na ebidensiya, si Arroyo umano ang nagbenta at siya rin ang kumita nang malaki sa tulong ng mga kinasuhan. Conspiracy, o nagtulungan para magtagumpay ang kanilang plano. Pero sa kasong ito, akala nila ganun katanga ang mga Pilipino na hindi mapapansing mga gamit na pala ang dalawang helicopter!
May mga testigo rin na pinasok sa Witness Protection Program ng gobyerno, dahil sa kanilang sensitibong testimonya laban sa mga kinasuhan. Natural, panay ang angal, reklamo, daing at panduduro ang ginagawa ng kampo ni Arroyo ngayon. Hindi na raw sila nabigla sa ulat at kilos ng Blue Ribbon Committee dahil talagang gusto lang daw silang kasuhan at ikulong. Eh kaya nga nagsampa na ng kaso dahil iyan naman ang laging hamon ng lahat ng Arroyo, maging asawa o anak ng dating presidente di ba? Kaya huwag na lang silang magmukhang kawawa dahil kakasuhan na nga sila, at doon na sila magpaliwanag o subukang kumbinsihin ang Ombudsman, pati na rin ang mamamayan, na wala silang kasalanan.
Pinag-aaralan na rin kung may puwedeng isampang kaso kay Rep. Iggy Arroyo na kapatid ni Mike Arroyo, na laging nagsusubok isalba ang nakatatandang kapatid mula sa kontrobersiya. Kung baga, may parte rin siya sa krimen. Dapat nga. Sana nga, dahil mga senador na mismo ang nagsampa ng kaso, ay uusad ito sa mabilis na panahon, at hindi uupuan katulad ng ginawa ni Merceditas Gutierrez sa mga kaso laban sa mga kakampi niya. Panahon na para magbayad ang lahat ng sangkot sa anomalya kung saan agrabiyado ang gobyerno, ang mamamayan. Mas maganda kung may tuluyan nang makukulong. Iyan ang gusto kong makita sa ilalim ng administrasyong Aquino. Na sa wakas, may makukulong, kahit sino pa siya.
- Latest
- Trending