^

PSN Opinyon

Ang lampara at ang lugaw

SAPOL - Jarius Bondoc -

ISA pang kuwento sa ancient India, ng Haring Akbar at kaibigang Birbal:

Naglalakad sina Birbal at Akbar sa tabing-lawa, lulong sa malalim na pag-iisip. Tanong ni Birbal, “Hanggang saan susubo ang tao para lang sa salapi?” Nagkataong nilublob ni Akbar ang kamay sa tubig, at nabigla sa sobrang lamig nito. Aniya tiyak na walang sinumang lulusong sa lawa buong magdamag para sa pera. Sagot ni Birbal makakatagpo siya ng gan’ung tao. Tinanggap ni Akbar ang hamon, at naglaan ng isang libong pirasong ginto sa sinumang mapapalusong ni Birbal sa malamig na lawa.

At sa pag-ikot sa kaharian, nakatunton nga si Birbal ng naturang nilalang. Ito’y isang pulubi, na dahil desperado ay handang isapalaran ang buhay para sa pabuyang mga pirasong ginto.

Nabalitaan ito ni Akbar, na nagtalaga ng mga sundalo para tiyakin na nakalublob nga ang habag na pulubi sa malamig na tubig buong gabi. Kinabukasan, masigla’t malusog pinuntahan ng pulubi si Akbar, naningil ng pabuya. Inusisa ng nagdududang Akbar kung paano niya natagalan ang ginaw. Anang pulubi tinitigan niya ang poste ng lampara sa gilid ng lawa, at itinuon ang isip sa liwanag nito upang makalimutan ang lamig. Umismid si Akbar at nagsabing hindi niya ibibigay ang ginto dahil ginamit ng pulubi ang ningas ng lampara para magpainit.

Kinabukasan, dahil wala si Birbal sa palasyo, pinasyalan siya ni Akbar sa bahay. Dinatnan ni Akbar si Birbal na nagluluto ng lugaw. Pero ang kaldero ng nilulutong lugaw ay nasa bubong ng bahay, imbis nasa pugon. “Paano ‘yan maluluto, e napakalayo sa apoy?” usisa ni Akbar. Matalinong sagot ni Birbal, “Tulad din ng kung paano pinainit ng pulubi ang sariling katawan sa pamamagitan ng napakalayong lampara.” Agad ipinahanap ni Akbar ang pulubi, at binayaran ng pabuyang ginto.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]

AKBAR

ANANG

ANIYA

BIRBAL

DINATNAN

HANGGANG

HARING AKBAR

INUSISA

KINABUKASAN

PULUBI

  • Latest
  • Trending
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with