EDITORYAL - May presinto at stations pero walang pulis
MARAMING presinto at stations ng pulis. Pero nasaan ang pulis? Iyan ang tanong ngayon ng mamamayan na nababahiran na ng takot dahil sa mga nangyayaring krimen. Laganap ang mga patayan, panggagahasa, panghoholdap na ang karaniwang gumagawa ay mga magkaangkas sa motorsiklo o riding-in-tandem. Kapag umatake ang riding-in-tandem, kahit na may malapit na presinto ng pulis, wala ring magagawang tulong sapagkat wala namang pulis.
Maski si Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Nicanor Bartolome ay nadismaya nang malaman na may mga presinto at station ng pulis na nakasara sa gabi. Mahirap paniwalaan sapagkat, kung alin pa ang dapat bukas sa loob ng 24-oras ay ito pa pala ang sarado. Tinalo pa sila ng mga convenience store, fast-food chains at drugstore na open 24-hours. Handang maglingkod ang mga nabanggit sa kanilang customer subalit ang mga presinto ng pulis ay walang makita kahit na anino. Hindi na nakapagtataka kung maraming krimen ang nangyayari ngayon lalo na sa gabi. Malayang nakagagalaw ang mga criminal sapagkat walang pipigil o hahabol sa kanila. Nasaan ang mga pulis sa presinto o station?
Kahapon ng gabi, inambus ang vice president for administration ng Polytechnic University of Philippines sa Sta. Mesa, Manila. Riding-in-tandem na naman ang nagsagawa ng pamamaslang. Sa lugar ay may malapit na station ng pulis pero walang nakaresponde sa krimen. Malayang nakatakas ang mga nang-ambus. Blanko ang pulisya sa motibo ng pagpatay.
Nag-order na si Bartolome sa mga commander ng stations at presinto na panatilihing bukas 24/7 ang kanilang tanggapan. Marami raw kasing natatanggap na reklamo si Bartolome na sarado ang police stations. Harinawang sundin ang direktiba ni Bartolome para naman mabantayan ang natitigatig na mamamayan. Ngayong palapit nang palapit ang Kapaskuhan, malamang na sasalakay ang mga masasamang loob. Kailangan ang serbisyo ng mga matitinong pulis.
- Latest
- Trending