Isang interpretasyon Lang!
MAINIT na naman ang usapan ukol sa pag-aari ng baril ng mga sibilyan. Bunsod ito ng insidente kung saan dalawang security aides ni Presidential Political Adviser Ronaldo Llamas ang may dalang AK-47 sa loob ng sasakyan na bumangga sa isang trak sa Commonwealth Avenue, (malas talaga ang kalsadang ito!) Quezon City. Hindi nila kasama si Llamas dahil nasa ibang bansa! Matapos mabangga, may dumating na isang Starex at ang mga nakasakay dito ay kinuha ang lahat ng kagamitan sa loob ng nabanggang Montero Sport, pati na ang AK-47 at mga bullet-proof vest. Ngayon, iba’t ibang opinyon ang lumalabas hinggil sa insidente.
Una, puwede nga bang kunin na lang ang lahat ng kagamitan sa loob ng isang sasakyan na sangkot sa aksidente, lalo na’t baril pa? O para sa mga malapit lang sa Palasyo? Ipinakita lang ng mga tauhan ni Llamas na sila na ang mga diyos ngayon sa bansa, at kung ano ang gawin nila ay legal at walang pakialam ang PNP at MMDA! Binanggit na lang, “kay Llamas ito”. Hindi naman siguro si Llamas ang nag-utos nun dahil nasa Switzerland nga. Malamang yung dalawang nakasakay sa Montero ang nagtawag sa mga kasama nila para kunin ang mga gamit.
Ikalawa, puwede nga bang dalhin ng mga security ang baril na naka-lisensiya kay Llamas nang hindi siya kasama, lalo na’t nasa ibang bansa? Dito matindi na ang debate.
Ikatlo, puwede nga bang mag may-ari ng mga high-powered assault rifles ang isang sibilyan? Tandaan, na ang isang empleyado ng gobyerno o opisyal, kahit mambabatas o mayor pa ay sibilyan din, at hindi pulis o militar. Kaya ang tanong, puwede nga ba, at kung puwede, puwede ba siyang bigyan ng “Permit to Carry Firearms Outside of the Residence (PTCFOR)”? Iba-ibang interpretasyon ang maririnig lalo na sa mga pabor sa baril. Katulad na lang ng Permit to Carry.
Ang sabi ng mga pabor sa baril, lalo na yung mga pilosopo, puwedeng nakasukbit o nakatago sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang baril na may permit to carry. Kaya nga raw permit to carry. Ang narinig ko naman sa ibang pulis, bawal iyon at dapat nasa isang bag lang na dala-dala. Kaya ano ba talaga ang batas ukol sa lahat ng aspeto ng pag-aari ng baril? Ten long, ten short? O kahit ilan long, kahit ilan short basta lisensiyado? High-power, short arms? Sino ang puwede, sino ang hindi?
Kailangang maglabas ulit ng lahat ng guidelines ukol sa pag-aari ng baril sa Pilipinas. Kailangan na ulit gawin ng PNP ito dahil may iba’t iba nang interpretasyon mula sa mga sibilyan. Dapat isang boses lang, isang interpretasyon lang. Malinaw na mga patakaran at batas, na dapat sundin ng lahat ng mamamayan sa Pilipinas. Pinupuntirya natin nang husto ang “wangwang”, pero ang “bang! bang!” hindi? Dahil ba mahilig ang administrasyong ito sa baril?
General Bartolome, baka naman pwedeng asikasuhin ito sa lalong madaling panahon. Walang problema kung nasa batas naman na puwedeng mag-may-ari ng baril. Yung mga ibang aspeto lang ang kailangang linawin. Malinaw na maiintindihan ng lahat, lalo na yung mga pilosospo.
- Latest
- Trending