4th Muntinlupa Square and Compass Golf tournament

IPINAGBIBIGAY alam ni Very Worshipful Biyong Ga­ring, panggulo este pangulo pala ng Muntinlupa Square and Compass Club,  sa mga golfer na brethren ng Free and Accepted Masons of the Philippines my Philippines na sa Oct. 26 (Wednesday) sa ganap na alas-6:00 am ang tee off time ng 4th Muntinlupa Masonic Temple Golf Tournament dyan sa Philippine Navy Golf Club, Fort Bonifacio, Taguig City.

Maaring umutang este mali tawagan pala si  VW Biyong sa anuman katanungan sa telepono 8611125.

Ano pa hinihintay ninyo sali na!

Open ang smuggling sa DMIA

IBINULONG ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, na matindi daw ang smuggling ng mga high end electronics gadgets na sinasabing idinadaan sa Diosdado Macapagal International Airport sa Clark Air Base, Angeles City.

Naku ha!

Totoo kaya ito?

Sinabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang mga epektos ng isang 'Luchi' na kinabibilangan ng mga ipod, laptop at mga cellphones via HongKong ay inilululan daw sa eroplano ng Cebu Pacific samantala ang mga galing Singapore ay sinasabing isinasakay naman sa eroplano ng Jet Star.

Naku ha.

Totoo kaya ito?

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, from the aircraft ay isinasakay na daw ito sa isang sasak­yan na magdadala sa bodega ni Luchi, sinasabing ang bebot na ito ang siya ngayon nagmamaniobra ng smuggling activites sa DMIA.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, 'swing' ang operasyon ng mga bataan ni Luchi sa DMIA dahil pagkababa sa aircraft takbo na ito sa bodega niya sa isang lugar sa Clark kaya hindi ito sumasabog ay natatapalan at marami daw nakikinabag sa smuggling operation ng kamote.

Sinabi ng mga kuwago ng ORA MISMO, ito ngayon ang kailangan pabantayan mabuti hindi lamang ni BOC Commissioner Ruffy Biazon kundi maging si retired military general Danny Lim na bossing ng Intel at enforcement ng bureau.

Abangan.

NAIA pupunta ng Clark, Pampanga

PINAG-AARALAN at malamang magkatuluyan ang planong paglipat ng NAIA sa Clark Pampanga.

May usap-usapan malaking halaga ang kikitain ng government of the Republic of the Philippines oras na maisa-pribado ang lupain ng NAIA.

Sabi nga, US$2.5 billion para sa 440 hectares ng NAIA.

Kaya naman kapag nagkataon sa Pampanga na ng punta ng madlang people na gustong sumakay ng eroplano pero kailangan muna may mabilis na mga sasakyan, masasakyan ang mga passenger papunta sa Clark.

Ika nga, bullet train. Hehehe!

Sabi kasi ng mga bright people sa gobierno ni P.Noy nasa critical level na at congested na kasi sa NAIA kaya kailangan ilipat na ang paliparan sa Pampanga.

'Basta sa ikakabuti ng madlang people payag siguro ang nakakaraming madlang pinoy sa mangyayari', sabi ng kuwagong inurot.

'Pero tiyak matatagalan pa ito dahil sa mga makabagong sasakyan tulad ng train na gagawin patungong Clark', anang kuwagong lasing.

'Tiyak kailangan din lakihan ang kalye patungo sa Clark dahil pagdating pa lang ng Caloocan tiyak problema na ito', pintas ng kuwago SPO-10 sa Crame.

'Maganda ang planong paglipat para naman lalong magmahal ang lupa sa Clark na nadale noon ng daanan ng lahar sa pagsabog ng bulkan Pinatubo', sabi ng kuwagong haliparot.

'Paano kung bumaha sa Central Luzon?'

Kamote yan ang problema ninyo!

Abangan.

Show comments