DAPAT ipursige ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang malalimanng imbestigasyon sa Keppel Shipyard tragedy, kung saan ay anim na manggagawa ang namatay at maraming nasugatan nang bumagsak ang malaking steel platform. Ito ang iginiit ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Noong nakaraang Biyernes bumagsak ang bakal na platform na ginagamit na tulay ng mga manggagawa na nagkukumpuni sa M/V Tombara, isang 22,650-ton container ship sa loob ng Subic Shipyard and Engineering Inc. sa Subic, Zambales.
Pagmamay-ari at pinangangasiwaan ng Keppel Shipyard Limited, isang ship repair-and-conversion, shipbuilding and offshore engineering company ng Singapore ang shipyard sa Barangay Cawag na bahagi ng special economic zone sa Subic. Ayon kay Jinggoy, dapat suriin ang mga sirkumstansiya na nagresulta sa insidente, at tingnan kung may pagkukulang sa safety measures sa naturang usapin.
Ang imbestigasyon aniya ay kailangang ipursige ng DoLE kahit pa sinasabing mataas naman ang marka ng Keppel sa safety checks ng mga otoridad partikular mula sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA), at kahit inaako naman ng kompanya ang buong responsibilidad sa trahedya at nagsasagawa na rin ito ng imbestigasyon sa pangyayari.
Noong 2009 ay personal na nagsagawa ng site inspection si Jinggoy sa isa ring shipyard sa Subic, ang Hanjin Heavy Industries, dahil sa sunud-sunod na mga aksidente roon na nagresulta sa pagkamatay nang mga manggagawang Pinoy. Sa nasabing inspeksiyon ay nakita ang ilang kakulangan, pati na rin mga direktang paglabag, sa mga safety measure sa pagawaan.
* * *
Birthday greetings: Cebu Governor Gwen Garcia at Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn (October 12); at Negros Occidental Rep. Genaro “Lim-Ao” Alvarez Jr. at Cebu Rep. Eduardo “Eddie” Gullas (Oct. 13)