SINUSUYOD ni Sen. Franklin Drilon ang panukalang 2012 budget ng Department of Education, nang mapansin niya ang item. Ang laan na pera sa pagtayo ng bawat silid-aralan, standard size 7x9 meters, ay P650,000. Doble ito ng ilang taon na niyang pinaggugugulan ng congressional pork barrel: P350,000 kada classroom, pero mas maliit nga lang nang konti ang area na 7x7 meters. Ipinagagawa niya ito sa Filipino Chinese Chamber of Commerce in the Philippines Inc., samahan ng mga negosyanteng Pilipino na lahing Tsino.
Anang DepEd, galing sa Department of Public Works and Highways ang P650,000-construction estimate ng classrooms. Sabi naman ng DPWH, matagal nang gan’un ang kanilang budget pang-classroom, na meron nang blackboard, toilet, at ilaw.
Naisip ni Drilon na ang mahigit 1,400 classrooms na naipagawa na niya ay may blackboard at toilet din, pero mas maliit nga nang konti at walang ilaw dahil pang-barangay lang. Pero napakalaki pa rin ng kaibahan ng presyo niya at ng DepEd-DPWH. Nabatid niya na ang difference ay ang markup o tubo ng pribadong kontratistang namamahala sa construction.
Kaya pinagharap ni Drilon ang DepEd-DPWH officials at FCCCPI officers para magtulungan sa pagpapababa ng presyo ng paggawa ng silid-aralan. Inako ng FCCCPI ang pagpapatayo ng 550, o 5%, ng 11,000 classrooms na nakatakdang ipagawa sa taong 2012. Ibigay lang daw sa kanila ang pondo, at ipagagawa nila sa mas mura nilang halaga, na ia-adjust nang konti para maglatag ng alambre ng kuryente at iakma sa 7x9 meters na sukat. Ang maganda sa mangyayari, ang matitipid ay magagamit sa pagpapatayo ng mas marami pang classrooms.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com