Lumulubog na lupain!
MAY paliwanag ang isang opisyal ng UP National Institute of Geological Sciences (UP NIGS) kung bakit matindi ang pagbaha ngayon sa Malolos, Calumpit at Hagonoy, Bulacan. Ayon kay Dr. Mahar Lagmay, ang sobrang pagkuha ng tubig mula sa mga deepwell ay naging sanhi ng paglubog unti-unti ng lupain sa mga nabanggit na lugar. Sa dami ng tubig na kinukuha ng mga pabrika at fishpen mula sa mga deepwell, lumulubog na ang mga lupain. Kaya napakadali nang bumaha, at napakatagal humupa dahil lubog na nga ang mga lugar!
Sa madaling salita, ang tubig sa ilalim ng lupa ay tumutulong ding panatilihin ang lebel ng lupain. Parang kalso. Kapag tinanggal ang kalso, lulubog. Dahil walang sentral na nagdadala ng tubig sa mga bahay at pabrika sa mga bayan na nabanggit, sa deepwell sila umaasa para sa kanilang pangangailangan. At ngayon, ito na ang epekto. Wala nga namang makapagpaliwanag kung bakit matindi ang pagbaha, at mabagal ang paghupa. Kung tila batya na nga ang anyo ng lupain sa mga bayan na ito, hindi nga makakalabas ang tubig patungong dagat kapag umuulan, o kapag nagpakawala ng tubig ang mga dam!
Nag-ulat ako sa TV Patrol ukol sa Merville Subdivision sa Paranaque, dahil sa reklamo ng mga residente na marumi at mabaho ang tubig na sinusuplay ng homeowners association sa mga residente roon. Ang tubig ay galing sa deepwell. Sa Manila, Rizal at ilang lugar sa Bulacan, bawal na nga ang magpatayo ng deepwell, o gumamit ng tubig mula sa mga nakatayong deepwell. Hindi lang pala dahil sumasama na para sa kalusugan, kundi dahil na rin sa peligro ng paglubog ng lupain.
Di ko alam kung ititigil na ang paggamit ng tubig mula sa deepwell ay titigil na rin ang paglubog ng lupa, na ayon sa opisyal ng UP NIGS ay umaabot ng 5.5 centimeters kada taon. Para mas malarawan itong bilis ng pagbagsak, sa 10 taon, higit isa’t kalahating piye ang nilubog na ng lupa! Hindi biro iyon. Ilang taon na rin ang lumipas na ganito kabilis ang paglubog ng lupa, kaya nga siguro matindi bumaha at mabagal humupa. Wala nang mapuntahang mas malalim pang lugar ang tubig para dumaloy patungong Manila Bay. Kaya itigil na ang paggamit ng deepwell, at pag-aralan ang alok ni Manny V. Pangilinan na solusyon, kung saan ang mga ilog ang magiging kuhanan ng tubig, at hindi na ang mga deepwell. Kung may ilog naman, bakit nga hindi ito ang pagkuhanan ng tubig? Dapat lang ay malinis na ang ilog at hindi na gawing tapunan ng kahit ano. Ito lang kasi ang mahirap ituro sa tao. Ang tingin sa ilog ay isang malaking tapunan ng basura. Hindi na puwede ang ganung pag-iisip at nagkakagulo-gulo na ang kalikasan!
- Latest
- Trending