^

PSN Opinyon

'Text bump'

- Tony Calvento -

TINAPAKAN niya ang preno ng kanyang owner type jeep sa mabilis na andar nito pababa. Lumubog ang pidal sa swelo subalit hindi huminto ang sasakyan…hindi kumagat ang preno.

Sinubukan niyang kabigin ang manibela pakaliwa para iwasan ang mga taong nakatambay sa kalye.

Nakita niya ang masukal na bahagi ng daan at dun naisip ibalaho ang owner. Nakita niya ang isang lalake na hindi siya namalayan dahil panay ang text.

Inilabas niya ang halos kalahati ng kanyang katawan at sumisigaw na. “Pare! Alis dyan! Tabi! Wala akong preno!”

Ang drayber ay si Arnold Benito, 32 taong gulang ng Rodriguez, Rizal. Pilit iniwasan ni Arnold na makabundol subalit nahagip pa rin niya si Jaime “James” Orquelias.

Nagte-text si James ng mangyari ang insidente. Narinig niya ang sigaw ni Arnold, mabilis din siyang umiwas pero wala ng oras. Tumilapon siya nang mahagip.

“Umalis nga siya pero pumunta siya sa direksyon kung saan babangga ang anak ko,” kwento ni Cecil, ina ni Arnold.

Nagsadya sa aming tanggapan si Cecilla “Cecil” Benito, 60 taong gulang. Hinihingi niya ng tulong ang kaso ng kanyang anak na nakulong dahil sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Serious Physical Injuries na sinampa ni James sa kanya.

Magpinsang buo si Cecil at ang biyanan ni James na si Jovito Niño Nuevo. Kaya’t ganun na lang ang pagtataka niya ng mauwi pa sa demandahan ang insidenteng nangyari ika-3 Setyembre 2008. 

Bandang singko y’ medya ng hapon, sakay ng kanyang owner, mag-iigib sana si Arnold ng tubig sa Barangay Masikap, Rizal. Ilang kanto lang ang layo mula sa kanilang bahay.

Hindi pa siya nakakalayo napansin niyang wala na siyang preno kaya’t nadali niya itong si James.

Sinaklolohan agad ang biktima at isinugod sa Amang Rodriguez Hospital, Marikina City.

Dumating ang ama ni James. Dahil magkamag-anak naman sila ni Cecil nagkasundo sila na pagtutulungan na lang ang gastusin sa pagpapagamot. Wala ng kasuhan.

“Aksidente naman ang nangyari. Hindi naman akalain ng anak ko na mawawalan siya ng preno. Kaya nanghingi kami ng pasensya,” kwento ni Cecil.

Tumupad naman daw sina Cecil sa usapan. Umabot sa halagang Php20,000 ang naiambag nila sa pagpapagamot kay James.

Kinailangang lagyan ng tubo ang nabaling buto sa paa ni James. Simento rin ito.

Kwento ni Cecil, maganda na sana ang lahat kung hindi lang nakarating sa kanya ang balitang itutuloy pa rin ni Jovito ang paghahabla kay Arnold.

Biglang nawalan ng gana tumulong itong si Cecil. Simula nun hindi na siya nagbigay ng pera pangpagamot ni James.

“Nakakasama ng loob na itutuloy nila ang kaso. Hindi na naman kami iba sa kanila. Magkamag-anak naman kami. Tinutulungan din namin silang magpagamot!” paliwanag ni Cecil.

Nagsampa ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Serious Physical si Jovito sa Prosecutor’s Office Rodriguez Rizal.                

Nagkaroon ng pagdinig ang kaso. Nakitaan ito ng ‘pro­bable cause’ ng tagausig kaya’t nailabas ang ‘warrant of arrest’ laban kay Arnold.

Ika-9 ng Agosto 2011, bandang ala una ng tanghali habang nakatambay sa palengke ng San Jose si Arnold, kung saan may pwesto ng gulay sina Cecil, dinakip si Arnold ng tatlong pulis Rodriguez. 

“May warrant of arrest kami… Sumama ka sa amin…” sabi ng pulis sabay abot ng kopya ng nakatuping warrant of arrest kay Cecil.

Pagbuklat ni Cecil ng papel, isang madilim, malabo’t hindi na mabasang warrant of arrest ang kanyang nakita.

“Ano ba ito? Pangalan ba ng anak ko ang nandito?” sabi ni Cecil.

Sumunod si Cecil sa presinto. Sabado ng hulihin si Arnold. Natapat pang fiesta opisyal nung Lunes kaya’t umabot rin ng tatlong gabi siyang naiwan sa kulungan.              

Martes na ng siya’y piyansahan ni Cecil sa halagang Php2,000.

Sa ngayon nasa Municipal Trial Court, Rodriguez, Rizal na ang kaso ni Arnold. Patuloy pa rin ang kanilang pagdinig.       

Gustong malaman ni Cecil ang ‘legal’ na hakbang na maari niyang gawin kaya’t nagsadya siya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Cecil.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang mga kasong katulad nito ay talaga namang makikitaan ng ‘probable cause’ para maisampa sa husgado. Hindi normal para sa isang tao na ibabangga ang katawan sa isang sasakyan.

Malinaw na wala na siya sa kalsada at sa kanyang tamang pwesto. Kahit saang anggulo mo tingnan may pananagutan itong si Arnold.

Ang madalas sabihin ng mga taong nasasangkot sa ganitong uri ng usapin,, “Aksidente ang mga pangyayari at hindi naman namin kagustuhan iyon.”

Ang mga aksidente maaring maiwasan kung ating para­ting inilalagay sa ayos ang ating mga sasakyan sa pama­magitan ng regular na ‘check up’ at palagi nating isasaisip na maging maingat sa pagmamaneho. 

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email address: [email protected]

ARNOLD

CECIL

JAMES

RECKLESS IMPRUDENCE RESULTING

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with