ANG action star na hinahangaan ng marami dahil matapang at walang inaatrasan sang-batalyon mang kalaban ay may karuwagan din pala sa tunay na buhay. Ang tinutukoy ko’y si Lito Lapid, kilala rin bilang “Leon Guerrero” sa pelikulang Pilipino.
Pero sadyang matapang sa ibang bagay ang kababayan kong ito. Nang gobernador pa ng Pampanga ay personal na namumudmod ng relief goods si Lapid kahit sa mga lugar na lubog sa tubig, sukdulang lumawit sa chopper sa pamamagitan ng harness para makapamahagi ng tulong sa mga biktima ng kalamidad o kaya’y mag-rescue sa mga taong nasa panganib. Pero iba ang Senado na kanyang pinasok ngayon. Lumabas ang katotohanang walang tao na ganap na matapang dahil mayroon ding kahinaang kinatatakutan. Taong 2004 pa nang maging Senador si Lapid. Palibhasa’y laksa-laksa ang tagahanga “walk in the park” ang panalo.
Pero ang katotohanan ay lilitaw at lilitaw. Si Lapid ay hinulma para maging ehekutibo at hindi tagagawa ng batas. Kani-kanyang talino ang tao. Siguro, kahit sa mga Mambabatas ngayon na mahusay sa pagbalangkas ng batas at pakikipag-debate, mayroon ding mahina kapag inilagay sa executive position.
Bilang Senador, takot sumuong sa mga debate si Lapid lalu pa’t ang makakabalitaktakan niya ay yung mga gifted with gab and eloquence gaya ni Sen. Miriam Santiago. Kilalang tutol si Lapid sa kontrobersyal na RH bill at nais niyang idebate ito kina Sen. Santiago at Pia Ca-yetano na mga pangunahing tagapagsulong nito, kahit sa wikang Pilipino.
Inamin mismo ni Lapid na kinakabog pa ang dibdib niya tuwing maiisip ang gagawin niyang pagtayo sa plenaryo para makipagdebate kina Senators Miriam Defensor-Santiago at Pia Cayetano.
“Talagang ninerbiyos ako, tao lang naman ako,” pag-amin ni Lapid sa isang panayam.
Kahit pinaghandaang mabuti ni Lapid ang oportunidad, naroroon pa rin ang sindak. Kailangan siguro ni Lapid ay isang mahusay na coach. Pero ang likas na talino sa pakikipag-debate ay hindi tulad ng pelikula na puwedeng scripted. Maaa-ring ang linya niya ay ihanda beforehand pero paano ito makasasalag sa mga hataw ng ka-debate na likas na sumisibol sa matalinong utak at hindi scripted? Palagay ko, dapat nang bumalik sa pagka-gobernador si Lito. Mas epektibo siya roon.